Nagsimula na ang ‘Capitol Caravan’ ng pamahalaang panlalawigan ng Romblon na isinasagawa noong Abril 11 sa bayan ng Looc, bukas naman sa bayan ng Alcantara at sa Abril 17 sa bayan ng Santa Fe.
Ang ‘Capitol Caravan’ ay magbibigay ng libreng medical mission, dental mission, libreng gamot at bitamina, gupitang bayan, dog vaccination, pamamahagi ng aalaang hayop, pamimigay ng libreng binhi, pagkakaloob ng mga kagamitan sa pagsasaka at iba pang tulong mula na pamahalaang panlalawigan.
Personal na pinangunahan ni Governor Eduardo C. Firmalo ang pagbibigay ng libreng konsultasyon sa mga pasyente sa medical at dental mission at katuwang rin nito ang mga kawani ng iba’t ibang departamento ng kapitolyo para sa iba pang uri ng serbisyo.
Layunin ng aktibidad na maipakita ang malasakit sa mga mahihirap na residente sa tatlong nabanggit na bayan upang makadama ng kaginhawaan at mapaangat ang kanilang kabuhayan.
Nananawagan ang gobernador sa mga mamamayan dito na samantalahin ang ganitong uri ng aktibidad upang matugunan ng kanyang pamunuan ang mga idudulog nilang pangangailangan sa Capitol Caravan. (CLJD/DMM-PIA MIMAROPA)