Ang taon na ito ay nagbigay ng napakaraming pagsubok na sa bawat isa sa atin. Nakapanlulumo ang mga pangyayari at sinukat ng matindi ang ating pananampalataya.
Ilang araw na lang at panibagong taon na. Ang lahat sa atin ay nasasabik sa bagong pag-asa na maibibigay sa ating ng bagong taon at ipinagdarasal natin na ang pandemyang kinakaharap ng buong mundo ay matapos na.
Pero bago sana natin panabikan ang pagpasok ng bagong taon ay salubungin natin ang pasko na may buong pasasalamat sa Diyos dahil kung ang bagong taon ay bagong pag-asa ang pasko naman ang sumisimbolo nito.
Huwag nating hayaan na matalo tayo ng bigat ng matitinding hamon sa taong ito na kahit sana patapos na ay maiparamdam natin sa bawat isa ang tunay na diwa ng pasko, ito ang pagmamahalan at pagbibigayan.
Ngayon natin higit na kailangan na iparamdam sa ating kapwa ang simbolo ng pasko…ang pag-asa dahil hindi naman tayo makakapagdaos ng malaking selebrasyon at mas dapat nating isipin ang kaligtasan ng bawat isa, ay p’wede nating ibahagi sa iba na nangangailangan o para sa ating mga kababayan na mas sinubok ng taon na ito ang halaga na sana ay ilalaan natin sa darating na Noche Buena.
Sa halip na malaking selebrasyon ay maaari tayong magbahagi sa kapwa natin na walang-wala na. Sa simpleng salu-salo sa loob ng bawat tahanan ay mairaraos pa rin natin ang pasko na may tuwa at galak ng pasasalamat sa ating mga puso.
Ang pinakamahalaga sa lahat ay mairaos natin ng simple ang darating na pasko dahil ito ang kapanganakan ni Hesu Kristo dahil Siya ang nagparamdam sa atin ng wagas na pagmamahal. Simple pero puno ng pagmamahalan at pagbibigayan sa loob ng ating mga tahanan.
Kasabay din sana ng pag-aabot natin ng mga regalo o anumang makayanan natin para sa iba ay sabayan din natin ng pagdarasal.
Ipagdasal natin ang bawat isa sa atin na maging matatag pa at huwag panghinaan ng loob sa lahat ng suliranin na kinakaharap natin sa buhay.
Ipagdasal natin na ang lahat ng ito ay matapos na at ang lahat ng may sakit ay gumaling na.
Ipagdasal natin ang bawat isa na isuko ang lahat sa Diyos at lalong ipagkatiwala sa Kanya ang lahat ng nangyayari sa ating paligid.
Mapait man ang sinapit natin sa taong ito pero marami naman tayong natutunan.
Maraming mga bagay ang ating napagtanto at marami tayong pinahalagahan.
Ang taon na ito ay hindi lang puro pagsubok sa halip punong-puno din ng aral. Ito ay pagsubok sa ating pananampalataya sa Diyos at pagsubok sa atin bilang mga tao kung paano natin dapat pinahalagahan at pahalagan ang bawat buhay na bukod tanging Siya ang Maylikha.
Isang malaking aral sa atin na ang lahat ng may buhay dito sa mundo ay Kanyang pag-aari at dapat natin itong mahalin gaya ng pagmamahal natin sa Kanya.