Mainit ngayon ang usapin tungkol sa pagputol ng mga dekadang gulang na puno sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Maynila para bigyang-daan ang Southern Access Link Expressway o SALEX project.
Ayon sa mga ulat, mahigit 200 puno na ang naputol habang mahigit 600 puno ang sakop ng permit na inisyu para sa proyekto. Ang layunin ng expressway ay mabawasan ang traffic congestion at mapabuti ang koneksyon ng mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ngunit kasabay ng proyekto ay lumakas din ang panawagan mula sa environmental groups, simbahan, at ordinaryong mamamayan na hindi dapat isinasakripisyo ang kalikasan sa ngalan ng development. Marami ang nagsasabing habang patuloy ang climate crisis, matinding init, at pagbaha sa mga lungsod, tila kabaliktaran naman ang nangyayari dahil patuloy ding nababawasan ang mga mature trees na nagsisilbing natural na proteksyon laban sa init at runoff flooding.
Pero hindi lamang sa Maynila nangyayari ito.
Sa Romblon, may mga proyekto ring nagresulta sa pagputol ng mga puno. Isa na rito ang drainage project ng DPWH sa Barangay Poctoy kung saan maraming puno rin ang naapektuhan upang mabigyang-daan ang konstruksyon ng kanal na layuning solusyunan ang pagbaha sa lugar.
Katulad ng argumento sa Quirino Avenue, malinaw na may public purpose ang proyekto. Ang problema lamang, tila laging kalikasan ang unang nawawala sa tuwing may imprastrukturang itatayo.
Hindi naman tutol ang publiko sa flood control, drainage improvement, o road projects. Sa katunayan, kailangan ang mga ito lalo na’t palala nang palala ang epekto ng climate change. Ngunit dapat ding kilalanin na ang mga puno ay bahagi rin ng disaster mitigation. Sila ang sumisipsip ng tubig-ulan, nagbibigay-lilim, pumipigil sa erosion, at nagpapababa ng temperatura sa mga komunidad. Kapag puro semento ang ipinalit sa mga puno, maaaring sa hinaharap ay lalo lamang lumala ang urban heat at pagbaha.
Ang tunay na tanong ngayon ay hindi kung development ba o environment. Ang dapat itanong ay: bakit tila hindi kayang pagsabayin ang dalawa? Bakit sa maraming proyekto, tila pinakamadaling solusyon pa rin ang pagputol ng mga puno kaysa pagdisenyo ng mas sustainable at environment-friendly na infrastructure?
Mahalaga rin ang transparency sa mga ganitong proyekto. Dapat malinaw sa publiko kung ilan ang puputuling puno, ano ang environmental mitigation plan, at kung may konkretong tree replacement at reforestation program bang ipatutupad. Hindi sapat ang pangakong magtatanim ng kapalit kung ang mawawala ay mga dekadang gulang nang puno na hindi agad mapapalitan ng maliliit na seedlings.
Sa huli, hindi lang ito simpleng usapin ng expressway, kanal, o flood control. Mas malaking usapin ito kung paano natin tinitingnan ang progreso. Dahil kung bawat development project ay may katumbas na pagkawala ng mga puno at luntiang espasyo, baka dumating ang panahon na maayos nga ang mga kalsada ngunit hindi na maayos ang kalidad ng ating kapaligiran at pamumuhay.



































Discussion about this post