Hindi Na Ito Simpleng Abala
Dumating na ang punto na ang sunod-sunod na brownout at power interruptions ay hindi na simpleng abala lamang. Isa na itong seryosong usapin ng kabuhayan, edukasyon, kalusugan, serbisyo publiko, at kinabukasan ng Romblon bilang isang archipelagic province. Sa loob ng maraming taon, tila nasanay na lamang ang marami sa biglaang pagkawala ng kuryente, rotational interruptions, voltage fluctuations, at delayed advisories. Ngunit habang lumilipas ang panahon, mas nagiging malinaw na hindi dapat i-normalize ng mamamayan ang isang sistemang hindi stable at hindi sapat para sa lumalaking pangangailangan ng mga isla.
Hindi maaaring manatiling “normal” ang madalas na brownout sa isang probinsyang nais umunlad. Habang mas nagiging dependent ang lipunan sa digital systems, communication technologies, refrigeration, online transactions, at modernized public services, mas nagiging mabigat din ang epekto ng unstable na elektrisidad sa araw-araw na buhay ng mga Romblomanon.
Apektado ang Mamamayan
Kapag nawawalan ng kuryente, hindi lang ilaw ang nawawala. Apektado ang mga paaralan at pag-aaral ng mga estudyante lalo na sa panahon ngayon na mas digital at technology-dependent na ang edukasyon. Nahihirapan ang mga estudyante na gumawa ng assignments, mag-review para sa examinations, at mag-access ng online learning materials lalo na tuwing gabi. Nahihirapan din ang mga guro sa paghahanda ng lessons at paggamit ng learning equipment sa classrooms kapag walang internet o maayos na power supply. Sa mga komunidad na limitado na nga ang access sa educational resources, mas pinapalala pa ito ng unstable na elektrisidad.
Hindi lamang edukasyon ang naaapektuhan. Nahihirapan din ang mga health centers at ospital lalo na sa operasyon ng medical equipment, refrigeration ng gamot at bakuna, at pagresponde sa emergencies. Kapag may interruption sa gitna ng masamang panahon o health emergency, tumitindi ang pangamba ng mga pamilya. Apektado rin ang maliliit na negosyo, tindahan, karinderya, at mga umaasa sa refrigeration dahil nasisira ang paninda at tumataas ang operational costs. Humihina rin ang signal at internet connectivity kaya naaantala ang trabaho, online transactions, communication, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Ang tourism sector ng Romblon, na isa sa pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming pamilya, ay naaapektuhan din kapag hindi stable ang supply ng kuryente sa accommodations, transport coordination, restaurants, at tourism services. Sa madaling salita, ang power interruptions ay hindi na simpleng technical issue lamang. Direktang naaapektuhan nito ang kalidad ng buhay at economic stability ng mga tao.
Panahon na para sa Romblon Power Summit
Sa isang archipelagic province tulad ng Romblon, ang energy security ay hindi lamang technical issue. Isa itong social, economic, at development issue. Ang maayos at reliable na elektrisidad ay direktang konektado sa kalidad ng buhay ng mamamayan. Kaya hindi na sapat ang simpleng advisories kada may brownout. Hindi na rin sapat ang kanya-kanyang paliwanag ng iba’t ibang sektor. Ang kailangan ngayon ay seryoso, bukas, at inclusive na pag-uusap tungkol sa energy future ng probinsya.
Kaya mahalagang magpatawag ng isang Romblon Power Summit na magsasama-sama sa lahat ng pangunahing stakeholders ng energy sector sa probinsya. Kailangang mag-usap at magtulungan ang Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO), Suweco Tablas Energy Corporation (STEC), Romblon Electric Cooperative (ROMELCO), National Power Corporation (NAPOCOR), Cantingas Mini-Hydro Power Corporation (CMHPC), at Department of Energy (DOE), kasama ang provincial government, mga local chief executives, technical experts, business sector, academe, civil society organizations, at mismong mga consumers at komunidad na direktang naaapektuhan ng mga interruptions.
Dapat itong maging venue para sa tapat na assessment ng sitwasyon, paglalatag ng datos, pag-uusap tungkol sa accountability, at pagbubuo ng konkretong plano para sa mas maayos at sustainable na energy system sa Romblon.
Renewable Energy Capital ng Pilipinas
Mahalagang maintindihan ng publiko na hindi lang diesel generators ang pinagkukunan natin ng enerhiya. Mayroon tayong wind power, solar power, biomass, at hydro power resources. May mga renewable energy systems na ring ginagamit sa ilang bahagi ng probinsya. Mayroon ding diesel-fueled generators na tumutulong sa supply lalo na sa off-grid areas.
Sa katunayan, may matibay na dahilan kung bakit unti-unting kinikilala ang Romblon bilang isa sa mga renewable energy capitals ng Pilipinas. Sa isang island province na matagal nang humaharap sa hamon ng mahal at vulnerable na fuel-dependent electricity, ipinapakita ng Romblon na posible ang ibang direksyon — isang energy future na mas resilient, mas sustainable, at mas nakaangkla sa renewable energy.
Mayroon tayong existing renewable energy foundation. Nariyan ang hydropower tulad ng Cantingas mini-hydro sa Sibuyan, wind energy sa munisipyo ng Romblon, at solar sa Tablas. Ngunit mahalaga ring makita ang potensyal ng biomass bilang bahagi ng long-term energy transition ng Romblon.
Bilang isang agricultural at island province, may potensyal ang Romblon sa paggamit ng coconut waste, agricultural residues, biodegradable materials, at iba pang organic resources bilang bahagi ng localized biomass energy systems. Hindi lamang ito makakatulong sa energy diversification; maaari rin itong makatulong sa waste reduction, community-based livelihood opportunities, at mas localized na energy resilience lalo na sa malalayong komunidad.
Ibig sabihin, hindi nagsisimula sa wala ang Romblon. Ang hamon ngayon ay kung paano palalakasin, pagdudugtungin, at gagawing mas reliable ang mga sistemang ito para tunay na maramdaman ng mamamayan ang benepisyo.
Hindi sapat na tawagin lamang tayong renewable energy capital kung patuloy pa rin ang interruptions at instability sa supply. Kailangang tiyakin na ang renewable energy transition ay magreresulta sa mas stable, affordable, accessible, at reliable na serbisyo para sa mga komunidad.
Rapid and Just Transition
Dito pumapasok ang kahalagahan ng isang rapid and just transition. Rapid — dahil hindi na maaaring mabagal ang pag-aksyon habang lumalaki ang demand sa elektrisidad ng mga komunidad, negosyo, paaralan, at institutions sa probinsya. Habang tumatagal ang delays sa modernization at upgrading ng systems, mas tumitindi rin ang epekto ng interruptions sa mamamayan.
Just — dahil kailangang tiyakin na walang maiiwan sa transition na ito, lalo na ang malalayong barangay, island communities, at ordinaryong consumers na matagal nang nagtitiis sa hindi maayos na serbisyo. Ang energy transition ay hindi lamang usapin ng technology at infrastructure. Isa rin itong usapin ng accessibility, affordability, fairness, at katarungang panlipunan.
Kailangang seryosohin ang modernization ng distribution at transmission systems. Kahit gaano karami ang renewable energy sources, kung mahina o luma naman ang delivery systems, mananatili pa rin ang instability. Kailangan ding mas mapalalim ang coordination ng electric cooperatives, local government units, national government agencies, at private sector upang magkaroon ng integrated at long-term island energy strategy para sa Romblon.
Balikan ang Romblon Energy Plan
Sa gitna ng mga usaping ito, mahalagang balikan ang Romblon Energy Plan na ipinresenta noon ng Department of Energy (DOE) noong nakaraang administrasyon. Kung mayroon nang existing plan para sa long-term energy direction ng probinsya, kailangang ma-retrieve ito, matingnan muli, at ma-review kasama ang stakeholders at publiko.
Mahalaga itong bahagi ng mas malawak na usapan. Kailangang malaman kung ano na ang mga natupad, ano ang mga hindi naipatupad, ano ang mga naging bottlenecks, at ano ang kailangang i-update base sa kasalukuyang realities ng Romblon. Hindi dapat nakakalimutan o naiiwan lamang sa archives ang mga plans, studies, at recommendations habang patuloy namang nararanasan ng mamamayan ang parehong mga problema taon-taon.
Ngunit mahalagang tandaan na ang isang energy plan lamang ay hindi sapat kung walang malinaw na koordinasyon at political will para ipatupad ito. Sa isang archipelagic province tulad ng Romblon, konektado ang kapalaran ng bawat isla. Kapag may instability sa isang bahagi, may epekto ito sa iba. Kaya kailangang manaig ang cooperation kaysa sisihan, transparency kaysa puro press releases, at long-term planning kaysa puro temporary at reactive na solusyon kada may interruption.
Panahon Nang Kumilos
Ang energy future ng Romblon ay hindi lamang usapin ng electric cooperatives o national agencies. Usapin ito ng bawat pamilyang umaasa sa maayos na serbisyo, bawat batang nag-aaral tuwing gabi, bawat negosyong nagsisikap mabuhay, bawat health worker na tumutugon sa emergencies, at bawat komunidad na nangangarap ng mas matatag at mas maunlad na kinabukasan.
Hindi luho ang maayos at reliable na kuryente. Pangunahing serbisyo ito. Bahagi ito ng dignidad, seguridad, kaunlaran, at kinabukasan ng bawat Romblomanon.
At kung nais nating magkaroon ng mas matatag, mas progresibo, at mas resilient na Romblon, panahon nang seryosohin ang usapin ng enerhiya.
Panahon nang mag-usap. Panahon nang magplano. At higit sa lahat, panahon nang kumilos.



































Discussion about this post