Tumanggap ang San Fernando Agrarian Reform Community Cooperative (SFARCC) ng isang Kubota Mechanical Transplanter SPV-6CMD na nagkakahalaga ng ₱1.5 milyon mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang mapalakas ang produksyon ng palay ng mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa bayan.
Ipinagkaloob ang makinarya sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP) at Major Crop-Based Block Farm Productivity Enhancement Program. Isinagawa ang turnover noong Agosto 3 sa Barangay Taclobo, San Fernando.
Pormal na nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ni DAR Romblon CARPO Cosme Jaime M. Mendoza at SFARCC General Manager Ramonito T. Gubaton. Nasaksihan ang seremonya nina PARCCOM Chairman Bayani F. Fajarito, SUARPO Felino David M. Magallon, at mga opisyal at kasapi ng kooperatiba.
Kasunod ng turnover, nagsagawa rin ng orientation si Michael Sandoval, Parts and Service Supervisor ng GreenGround Rapid Agri-Business Machineries Corporation, hinggil sa tamang operasyon at maintenance ng makinarya upang matiyak ang ligtas at episyenteng paggamit nito.
Ayon sa DAR, inaasahang makatutulong ang mechanical transplanter upang mapabilis ang pagtatanim ng palay, mabawasan ang gastusin sa paggawa, at mapataas ang ani ng mga magsasakang benepisyaryo.
Bahagi ang programa ng patuloy na pagsusulong ng DAR ng makabagong teknolohiya at mekanisasyon sa sektor ng agraryo upang mapalakas ang produksyon at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka.



































Discussion about this post