“GOD, knowing my weakness makes me more aware of my need for your strength, I humbly ask you be strong where I am weak.”
Ang tagal din na nanahimik ang aking pagtipa ng mga salita para makabahagi muli ng aking buhay dito sa aking column na Walk of Faith.
Maraming nagbago sa aking sitwasyon kahit di pa literal na nakakabangon pero patuloy na lumalaban sa bigat na dala na matagal ko ng kinakaya. Hindi kailanman napapagod at sumusuko sa paghihintay na muli kong maigalaw ang aking mga paa at magawa ang mga bagay na hangad ng aking puso.
Habang tumatagal ang panahon lalo akong humahanga sa kabutihan ng Diyos sa aking buhay. Katumbas ng patuloy na pagkapit ko sa pag-asa ay ang walang hanggan Niya na pagpaparamdam sa akin na wag sumuko at sa Kanya ay patuloy na magtiwala. Walang hanggan ang Kanyang kabutihan para patuloy akong lumaban ng may matibay na pananggalang sa bawat araw na sinusubok ako ng tadhana.
Pero hindi naman laging malakas at puro positibo ang mga nangyayari. May mga kaakibat na lungkot at pighati na nararanasan. May mga araw na pinanghihinaan ng loob sa mga obligasyon na dala – dala kahit ang aking kakayahan ay hindi sapat sa enerhiya na kailangang ipakita.
May mga gabi na may pagluha at parang babagsak na ang aking sistema kung paano pa kakayanin ang hamon ng mundo. Minsan dahil sa ipinapakita mo na lagi kang malakas at masaya ay wala nang makaalala na ikaw ay kumustahin kung Okay ka pa at kung may problema. Minsan dahil alam nila na malakas ka ay lalapitan ka ng mga taong nanghihina at ibabahagi mo na lang din ang lakas natitira mo pa para sa kanila.
Para sa akin ang ang pagpapakita ng kahinaan ay hindi isang karuwagan kundi patunay lang na ikaw ay matatag sa kabila ng iyong mga pinagdadaanan. Yakapin ang kahinaan at wag mahiyang ito ay iparamdam din sa iba. Isang pagpapatunay na tayo ay tao lamang at ang lahat ng lakas ay dapat natin na laging ipagdasal sa ating Poong Maylikha.
Gaano man tayo katatag sa mga pagsubok ng buhay wag nating kakalimutan na ang ating Diyos ang pinagmumulan ng lahat pag – asa at nakakaya natin ito dahil sa walang hanggan Niyang habag at pagpapala.