Magkakaroon na ng bagong kalsada na mag-uugnay sa tanyag na estatwa ni Fe at sa Municipal Hall ng Sta. Fe matapos mag-donate ng humigit-kumulang 1,190 square meters na lupain na nagkakahalaga ng tinatayang ₱4 milyon ang retiradong nurse sa Amerika na tubong Sta. Fe na si Marivilla Gomez Montesa.
Pormal na nilagdaan ang Deed of Donation sa isang seremonya sa pagitan ni Mayor Asher Visca at ni Councilor Jonathan Tansingco Gaytano mula sa bayan ng Looc, na anak ng first cousin ni Ms. Marivilla, ang yumaong Hedion Gomez Gaytano, na lumagda bilang kinatawan ng donor. Sinaksihan ang pagpirma nina Vice Mayor Cean Punzalan at ng mayorya ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng donasyon na makatulong sa patuloy na pag-unlad ng Sta. Fe sa pamamagitan ng pagbubukas ng bagong access road na magpapadali sa pagbiyahe sa sentro ng bayan.
Bilang pagkilala sa pamilya ng donor, ipapangalan ang kalsada sa kanyang yumaong ina na si Doña Lourdes Gomez Montesa, na ipinanganak sa Aklan at nanirahan sa Sta. Fe kasama ang kanyang pamilya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na tumulong si Montesa sa kanyang bayan. Isa rin siya sa mga pangunahing sponsor ng pagpapatayo ng estatwa ni Fe at nagpadala ng iba't ibang tulong sa mga residente ng Sta. Fe noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Inaasahang bubuksan ang bagong kalsada sa loob ng taong ito upang higit pang mapabuti ang access at transportasyon sa kabayanan ng Sta. Fe.


































Discussion about this post