Kailan nga ba matatapos itong kinakaharap natin na pandemya? Parang walang pagbabago.
Kagaya pa rin noong nakaraang taon, delikadong lumabas at dapat laging naka-suot ng face mask.
Saan na nga ba tayo patungo at hanggang kailan matatapos ang laban na ito? Ang matinding laban na kinasusuungan ng ating magigiting na frontliners ay wala pa ring tiyak na panalo.
Dahil literal naman na hindi ako nakakalabas (at hanggang sa loob lang ng aming bakuran) ay tanging sa pagsubaybay lamang sa social media ang nakakatulong sa akin ng malaki para maging aware ako sa mga nangyayari sa labas.
Sa isang tulad ko na differently abled, ay high-risk ako na mahawaan ng virus.
Nakakabahala ang mga nangyayari sa labas at ang maitutulong ko ay ipagdasal ang kaligtasan ng nakararami.
Marami akong napapansin o nababasa na maraming tao pa rin ang hindi naniniwala sa nakakatakot na sakit na kumakalat. Iba’t-iba ang kanilang opinyon at paniniwala. Meron pa ngang mas magaling pa sa isang siyentipiko o ekspertong pangkalusugan.
Nakakadismaya man pero hindi natin hawak ang kanilang mga utak at karapatan nila na ipahayag ang kanilang mga iniisip.
Marami pa rin na hindi sumusunod sa pinapatupad na protocols ng gobyerno siguro ito nga ang dahilan kaya di pa rin natin nalalagpasan ang malaking problemang nagbibigay sa atin ng takot at pangamba sa ating mga sariling buhay.
Sana maisip ng mga tao sa labas na ang virus na ito ay kumakalat kung sila ay pakalat-kalat din na walang pag-iingat. Kahit kaming mga napapabilang sa high-risk ay hindi rin ligtas kahit sa loob ng aming mga tahanan kung aming kapamilya o kasama sa bahay ay nasa labas para sa mga pangangailangan at naghahanapbuhay.
Naniniwala ako na, “Nasa Diyos ang awa, Nasa tao ang gawa”.
Likas na sa ating mga Pinoy ang madasalin. Malakas ang ating kapit sa Diyos at ang Kanyang awa ay walang hangganan.
Gawin natin bilang mga tao ang nararapat para sa kapakanan at ikabubuti ng ating kapwa — ang lahat ng ito ay may nais iparating sa atin ang Diyos at Siya ay may dahilan sa lahat ng mga nangyayaring sa ating paligid.
One thing na magandang naidulot ng pandemya base sa aking obserbasyon, ay maraming tumutulong at nagtutulungan. Yung mga meron sa buhay na nakaaangat sa lipunan ay nag-extend sila ng kamay para sa walang-wala at naghihikahos sa buhay.
Maraming nawalan pero marami din ang nagkaroon dahil sa kabutihan ng mga meron at sa sobra ang pagpapala sa buhay at isa iyon sa dapat nating panghawakan na ang lahat ng paghihirap natin ay laging may kapalit na ginhawa.
Nakikita lahat ni Lord at di maglalaon ang lahat ng di magagandang nangyayari sa ating paligid ay magiging Okay na din.
Patuloy lang tayo kumapit sa Kanya, magtulungan, at ang buhay ng bawat isa ay ating pahalagahan. We heal as one!