Handa na para sa darating na Semana Santa sa susunod na Linggo ang isa sa mga madalas puntahan ng mga deboto sa lalawigan ng Romblon, ang Grotto de Banloc na matatagpuan sa bayan ng Looc sa Tablas Island.
Ang Grotto de Banloc ay pagmamay-ari ng pamilya Gaytano at binuksan sa publiko noong 2016.
Tahimik ang lugar at puno ng punong kahoy, malayo sa maingay na bayan na puno ng sasakyan. Maganda ang lugar para sa mga gustong mag muni-muni at mag-alay ng panalangin sa grotto ni Mama Mary na nasa tuktok ng isang burol.
Kompleto ang lugar ng 14 stations para sa mga gustong mag Stations of the Cross. Meron rin sa lugar na mini Walk of Beatitudes kagaya ng matatagpuan sa Capernaum, Israel.
Patok rin sa mga bumibisita sa lugar ang Honesty Store ng Grotto de Banloc kung saan may mga paninda silang mga imahe nina Virgin Mary, Immaculate Conception, iba pang mga santo, at iba pang mga paninda kagaya ng mga accesories, souvenirs, at pagkain.
Para sa mga gustong bumili, may maliit na sisidlan sa loob ng Honesty Store kung saan mo lang ilalagay ang bayad sa item na iyong binili.
Ayon sa caretaker ng lugar na si Sherly Yap-Gaytano, magkakaroon sila ng easter egg hunting sa darating na semana santa.
Walang entrance fee sa Grotto de Banloc at bukas ito araw-araw mula 8am hanggang 9pm.