Pinatunayan ng Romblon native na si Evelyn Manzala-Lindo na ang pag-abot sa pangarap ay walang pinipiling edad. Matapos ang kanyang kamangha-manghang tagumpay sa World Overseas Filipino Bowling Tour (WOFBT) sa Young Pharaoh Bowling Center sa Nagano, Japan, nitong October 21-26, 2024, itinanghal si Evelyn bilang kampeon o gold medalist sa Women’s Seniors Category.
Ang WOFBT ay isang eksklusibong torneo para sa mga Filipino na naka-base sa iba’t ibang panig ng mundo, at dito’y nagpakita si Evelyn ng husay at tibay. Sa edad na halos 70, nakamit niya ang gold medal sa Women’s Seniors Category at ang silver medals sa All Event Category, Team Event Category, at Master’s Event Category.
Nagsimula ang WOFBT noong 2015 sa Dubai, UAE, ngunit noong 2017 lamang sumali ang Philippine Bowling Club, kung saan kabilang si Evelyn, sa torneo sa Athens, Greece, at agad niyang napanalunan ang bronze sa team event. Simula noon, patuloy siyang lumahok sa mga torneo: nanalo siya ng gold sa doubles event sa Vienna, Austria, noong 2019, at nagwagi rin sa Dubai, UAE, noong 2022.
Si Evelyn, na nakabase na sa Hollis, Queens, New York kasama ang kanyang pamilya, ay isang retired OR nurse na naglingkod nang mahigit 30 taon. Siya ay ipinanganak at lumaki sa Canlabha Libertad (Casa de Aplaya) sa Odiongan, Romblon, nagtapos ng elementarya sa Odiongan Elementary School, high school sa Romblon Colleges, at kumuha ng nursing sa Mary Chiles College.
Ang kanyang ama na si Ely Gutierrez Manzala ay mula sa Romblon, at ang kanyang ina na si Conchita Federico Manzala ay mula sa Odiongan, Romblon. Si Evelyn ay nagsimulang maglaro ng bowling sa US bilang isang libangan, ngunit kalaunan ay nagpakita ng galing at nakilahok sa mga paligsahan.
Ayon sa kanyang pamangkin na si John Patrick Manzala Fopalan (JP), hindi lamang sa larangan ng sports naging matagumpay si Evelyn kundi pati sa personal na buhay, dahil marami siyang natulungan mula sa kanyang pamilya at pamangkin.
Sa kasalukuyan, siya ay Presidential Adviser at miyembro ng Philippine Bowling Club sa New York, USA, kung saan dati siyang presidente noong 2005. Miyembro rin siya ng United States Bowling Congress. At ngayong 2025, nakatakda siyang lumahok sa 10th WOFBT na muling gaganapin sa Dubai, UAE.