Ang reproductive system ng babae ay maihahalintulad sa isang nakatiwarik na bunga ng peras—may pares ng sanga at pares ng tila bunga, habang ang ilalim nito ay may canal na palabas. Ang menstrual cycle ang nagbibigay-daan para maging posible ang pagbubuntis. Sa prosesong ito, dumaraan ang katawan ng babae sa tatlong mahahalagang yugto.
Sa unang yugto, may pagbabago sa hormone levels na nagpapakapal sa lining ng uterus (endometrium) at nagdudulot ng pagtubo ng mga follicle (maliliit na sacs) sa obaryo. Ang pagtubong ito, na nagbibigay-buhay sa pre-mature na itlog, ay tinatawag na follicular phase. Ang ikalawang yugto, ang ovulation, ay nagsisimula kapag naglalabas ng Gonadropin-releasing hormone ang hypothalamus, na magsisignal naman sa pituitary gland para maglabas ng hormones. Ang mga ito ang nagpapamature sa itlog hanggang sa ma-release ang isang mature na oocyte. Pagkatapos ng ovulation, tataas ang lebel ng estrogen bilang paghahanda para sa posibleng pagbubuntis. Sa ikatlong yugto, ang luteal phase, ihahanda ng uterus ang sarili bilang tahanan ng posibleng baby. Kapag ang itlog ay napunta sa fallopian tube at mafertilize, magiging matagumpay ang pagbubuntis. Ngunit kung hindi mafertilize, magsisimula ang menstruation, kung saan guguhuin ang pinakapal na endometrium at aagos palabas bilang regla.
Ang antas ng hormone, tulad ng estrogen, ay karaniwang nagbabago depende sa yugto ng cycle. Tumataas ito sa kalagitnaan ng follicular phase, biglang babagsak pagkatapos ng ovulation, at tataas muli sa luteal phase. Kapag bumaba sa dulo ng cycle, magsisimula ang regla.
Ang reproductive system ng babae ay parang isang orkestra, kung saan ang mga hormones ay mga nota. Kung maayos ang pagtugtog, maganda ang kinalabasan. Ngunit kung may pagkakaiba sa mga nota, maaaring mawala sa tono ang musika—isang senyales ng problema sa katawan, gaya ng Polycystic Ovarian Syndrome o PCOS.
Ano ang PCOS?
Ang Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS) ay isang kondisyon na resulta ng hormonal imbalance. Ito ay isang problema sa obulasyon na nagdudulot ng maraming maliliit na cyst sa mga obaryo. Bagamat hindi mapanganib ang mga cyst, nagdudulot ito ng iregular na regla, pagkabaog, at iba pang sintomas. Ang mga pangunahing uri ng PCOS ay:
- Non-hyperandrogenic PCOS (Type D): May problema sa obulasyon at iregular na pagreregla, ngunit normal ang lebel ng androgen.
- Ovulatory PCOS (Type C): Mataas ang lebel ng androgen at may cyst sa obaryo.
- Non-PCO PCOS (Type B): Mataas ang lebel ng androgen at may problema sa obulasyon.
- Full-blown PCOS (Type A): Mataas ang androgen, may problema sa obulasyon, at may cyst sa obaryo.
Ayon kay Dr. Renato Menrige Jr., Presidente ng Romblon Medical Society, ilan sa mga sintomas ng PCOS ay hindi pagreregla (amennorhea), hirap sa pagbubuntis, pagkakaroon ng acne, hisurtism o labis na buhok sa mukha at katawan, pagtaas ng timbang o kahirapan sa pagbaba ng timbang, at acanthosis nigricans (pangingitim ng ilang parte ng balat).
Bakit Mahalagang Malaman ang Tungkol sa PCOS?
Mahalaga ang pagkalat ng kaalaman ukol sa PCOS dahil ang kawalan ng kaalaman ay maaaring magpalala ng kondisyon. Ang mga pisikal na sintomas tulad ng acne, obesity, pangingitim ng balat, at labis na pagtubo ng buhok ay maaaring ikahiya ng pasyente, lalo na kung hindi pa nadi-diagnose ang kanyang kondisyon. Kung walang tamang diagnosis, maaaring isipin ng pasyente na ang mga sintomas ay normal na kapintasan.
Ngunit, ang mga ito ay maaaring hudyat ng mas malalim na problema sa kalusugan. Ang tamang kaalaman at maagang pagsusuri ay mahalaga upang maagapan ang mga komplikasyon ng PCOS, tulad ng type 2 diabetes at endometrial cancer.
Paano Pamahalaan ang PCOS?
Bagamat walang tiyak na lunas sa PCOS, may mga paraan upang pamahalaan ang mga sintomas nito:
- Pagpapanatili ng tamang timbang – Nakatutulong ito upang mabawasan ang insulin resistance at hormonal imbalance, na nagreresulta sa mas regular na regla.
- Ehersisyo – Hindi bababa sa 30 minuto kada araw upang mapanatili ang tamang timbang at ma-regulate ang insulin levels.
- Balanced diet – Kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber, protein, at healthy fats. Iwasan ang refined sugar at carbohydrates upang mapanatiling mababa ang insulin levels.
- Pag-iwas sa stress – Subukan ang yoga, meditation, at deep breathing exercises upang mapanatiling balanse ang hormones.
- Pag-iwas sa bisyo – Bawasan ang alak at sigarilyo upang maiwasan ang insulin resistance at hormonal imbalance.
- Paggamit ng hormonal contraceptives – Birth control pills ang madalas na inirereseta ng doktor upang ma-regulate ang menstrual cycle at mabawasan ang acne at hisurtism.
- Sapat na tulog – Siguraduhing makakuha ng 7-8 oras ng tulog bawat gabi upang mapanatili ang balanseng hormones.
Kung nararanasan mo ang mga sintomas o pinaghihinalaan mong may PCOS ka, makabubuting kumonsulta sa iyong doktor para sa nararapat na payo at paggamot. Ang tamang impormasyon at kaalaman ay mahalaga upang mapanatili ang kalusugan at maiwasan ang mga komplikasyon ng PCOS.