Isang 42-anyos na lalaki ang nasugatan matapos umanong pagsasaksakin ng isang lalaki na pumasok sa kanyang bahay sa Barangay Mayha, Odiongan, Romblon, noong Sabado ng gabi, Agosto 8.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station (MPS), nangyari ang insidente bandang alas-9:30 ng gabi habang naghahapunan ang biktima kasama ang kanyang asawa.
Batay sa paunang imbestigasyon, pumasok umano sa bahay ng biktima ang suspek na sinasabing nasa impluwensiya ng alak at, nang walang malinaw na dahilan, paulit-ulit siyang sinaksak sa iba't ibang bahagi ng katawan, kabilang ang dibdib, kaliwang kili-kili at likod.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek patungo sa paakyat na bahagi ng lugar at iniwan ang biktima na nakahandusay.
Agad na isinugod ng responding personnel ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang biktima sa Romblon Provincial Hospital para sa agarang lunas.
Samantala, narekober malapit sa pinangyarihan ang hinihinalang ginamit na armas, isang bolo na tinatayang 18 pulgada ang haba kasama ang hawakan, at isinailalim ito sa kaukulang dokumentasyon.
Naaresto rin kalaunan ang suspek at ngayon ay nakapiit sa Odiongan Municipal Police Station.
Wala itong pahayag.


































Discussion about this post