Inilunsad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Regional District Office (RDO) No. 63 sa lungsod ng Calapan ang taxpayers campaign kick-off ceremony sa Oriental Mindoro Heritage Museum nitong Marso 5.
May tema ang gawain na ‘Sa tamang buwis, pag-asenso’y mabilis,’ upang ipaalala sa mga taxpayers ang obligasyon sa pagbabayad ng tamang buwis.
Pinaalalahan ni revenue district officer Christine M. Cardona ang mga taxpayers na magbayad ng tamang halaga ng buwis hanggang Abril 15 upang hindi mapatawan ng multa. Ang hindi pagbabayad ng tamang buwis o malaking under declaration na higit 30 percent ng kita ay maaaring patawan ng kasong criminal at posibleng pagpapasara ng establisyimento.
Sinabi pa ni Cardona, ugaliing humingi ng resibo sa tuwing bibili ng mga produkto, pagkain, gamot, at iba pa, maliit man o malaki ang halaga. Gayundin sa mga nagne-negosyo na obligadong mag isyu ng resibo.
Maaari na rin magrehistro online para sa mga bagong taxpayers, online inquiries para sa certificate of authorize registration (CAR), deed of sale, donors estate taxes at marami pang iba.
“Patuloy pa rin ang aming programa na Run After Tax Evaders (RATE) at Run After Fake Transactions (RAFT) na kung saan nagbibigay ng dalawang resibo ang isang tindahan– yung isang resibo ay tama at ang isa ay mas mababa ang halaga na siyang idinedeklara sa BIR; habang ang iba ay nagbibigay ng resibo na wala namang kapalit na serbisyo o produkto,” saad ni Cardona.
Ibinahagi naman ni Elysa Marie O. Soriano ang nakasaad sa Republic Act 11976 o ’Ease of Paying Taxes’ (EOPT) Act kabilang ang, klasipikasyon ng mga taxpayers, special concessions for micro and small taxpayers, effect on invoicing requirements, clarified certain provisions of the tax code, at marami pang iba.
Samantala, bago matapos ang programa ay binigyang parangal ang mga top taxpayers ng Oriental Mindoro, kabilang ang mga local government units, corporate at individual taxpayers at paglagda ng lahat sa pledge of commitment para sa pagbabayad ng tamang buwis. (DN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)