Alam ko ang pagkakakilala at pagkakaalam ninyo sa akin ay isang matapang na tao dahil nagagawa ko parin na maging positibo sa buhay sa kabila ng aking sitwasyon. Ang buhay ko ay parang bukas na libro sa publiko na aking ibinabahagi sa Social Media at sa column ko na ito sa Romblon News Network.
Halos lahat ay magagandang pangyayari sa buhay ko ang aking isinusulat, pampalakas ng loob at inspirasyon para sa lahat dahil ako po ay natatakot na magbahagi ng hindi magagandang nangyayari sa buhay ko lalo na patungkol sa kalagayan ng aking kalusugan. Natatakot ako na panghinaan din ng loob o mawalan ng pag-asa ang mga taong nasa paligid ko – ang mga taong kumukuha sa akin ng lakas at tapang.
Minsan tayo ay natatakot na magsabi na tayo ay mahina dahil nasanay na tayong malakas at kaya natin ang lahat. Mag-isa nating kinakaya ang mga problema at nilalabanan ang takot. Sa bawat saya na naipapakita natin sa iba… tayo pala ay tahimik na lumuluhang mag-isa.
Dumarating ang araw na pinanghihinaan rin ako ng loob, umaatake ang hindi maipaliwanag na sakit na nararamdaman ng buo kong katawan – nagkakaroon ng lagnat, nerbiyos at panic attack. Dagdag pa ang stress sa mga problema na kaakibat ng aking kalagayan bilang isang paralitiko. Tahimik lang akong umiiyak minsan dito sa aking kubo habang tahimik na rin ang aking pamilya na natutulog kasama ng aking Anak.
Kahit may iniinda akong sakit, pilit ko itong nilalabanan para hindi nila malaman lalong-lalo na ng aking Anak dahil sa tuwing may lagnat ako o masama ang aking pakiramdam ay umiiyak siya at paulit-ulit na babalik dito sa kubo ko bago umuwi kina Mama para matulog.
May isang gabi na may lagnat ako at nanginginig ang aking buong katawan sa lamig, nakatalukbong na ako ng kumot ng biglang bumukas ang pinto ng aking kubo. Pumasok ang aking Anak habang umiiyak sabay abot sa akin ng kanyang suot na k’wentas na Rosaryo at sabay wika, “ Ma, pagaling ka na. I love you”.
Lumabas siya ng bahay nila nina Mama kahit dis oras na ng gabi at tulog na sila para lang i-check ako ulit at sabihin sa akin na mahal niya daw ako. Bumuhos ang aking luha sabay hawak sa k’wentas at ako ay nagdasal.
Sa isang Ina na katulad ko, na isang solo parent at may kapansanan, ang pagiging malakas at matatag ang una at huling bagay na dapat na ipinapakita sa kanyang Anak. Dapat matibay ka at laging Okay para sa kanya dahil ikaw ang tumatayong Ama at Ina niya bukod sa iyong pamilya at dahil paninindigan mo ang pagiging isang matatag na Ina at kakayanin ang lahat ng hirap para sa kanya.
Pero hindi naman masama ang umiyak, ang magpakita ng kahinaan lalo na sa ating mga mahal sa buhay, ang humingi ng simpatya sa ating mga kaibigan, ang maghanap ng atensiyon o humingi ng tulong sa ibang tao para kahit papaano ay maibsan ang kalungkutan o kakulangan na ating nararamdaman at higit sa lahat, ang umiyak kay Lord.
Ang una nating dapat gawin ay sabihin sa Kanya ang lahat. Umiyak tayo hanggang gusto natin at ipinalangin sa Kanya ang lahat ng mga bagay na nagpapabigat at bumabagabag sa ating kalooban.
Malaya nating sabihin sa Kanya ang lahat ng problema at sakit na ating iniinda dahil Siya ang pupunas ng ating mga luha at papawi sa lahat ng kalungkutan na meron tayo. Tandaan na ang Kanyang awa at pagmamahal sa atin ay walang kapaguran at walang katapusan.
Ang laban ko ay patuloy at kakayanin ko kaya ang laban mo rin ay dapat ituloy at kayanin.
Ang laban ng bawat isa sa atin lalo na ngayong panahon ng pandemya ay dapat lang na isuko natin sa Diyos at ito ay siguradong kakayanin natin.
Sa Kanya tayo humugot ng lakas at kumuha ng pag-asa dahil tayo bilang tao lamang ay kaya nating sabihin na It’s Okay not to be Okay pero kay Lord, kung tayo ay patuloy na magtitiwala sa Kanya, ang lahat ay magiging Okay. Masasaktan, iiyak, pero hindi susuko dahil si Lord never Siyang susuko sa atin kung isusuko natin sa Kanya ang lahat. (Che Formilleza)