Dahil sa nangyayari ngayon sa Ukraine, may idadagdag daw ang mga ayudanatics natingm kurimaw sa katangian ng presidente at bise presidente na iboboto nila–iyong matapang at pang-giyera rin.
Mukha ngang hindi na sapat mga tropapips na ang katangian ng isang kandidato eh dapat tapat, mabait, masipag, kontra-korapsiyon, matulungin, at iba pa, pero pagdating sa tapang–alaws naman.
Masuwerte ang mga Ukrainian dahil nakapili sila ng presidente na si Volodymyr Zelensky na atapang atao. Aba’y sino nga ba naman ang mag-aakala na ang isang artistang komedyante eh makikipagpitpitan ng betlog kay Russian president Vladimir Putin.
May 2019 lang nang maging presidente ng Ukraine ang 44-anyos na si Zelensky, matapos na manalo siya ng landslide sa dating presidente nila na si Petro Poroshenk, isang beteranong pulitiko.
Bago naging pangulo, may TV series si Zelensky na ang titulo eh “Servant of the People,” na ang role niya–biruin mong presidente rin ng Ukraine. Kung sinadya ba o plinano ba niya ang naturang show para sa pagtakbo niyang presidente? Dehins natin alam.
Pero ang malinaw, hindi niya iniwan ang bansa niya sa panahon ng matinding krisis. Kung hindi mo nga alam ang background ni Zelensky, hindi mo maiisip na dati siyang komedyante. Sa ngayon, kahit papalapit na nang papalapit sa kabisera nila ang tropa ng Russia, ayaw pa rin niyang umalis o lumipad sa ibang bansa.
Kahit ang dati nilang presidente na si Poroshenk, dapat din palakpakan. Kahit may edad na at mayaman na yakang-yakang umarkila ng private jet paalis ng kanilang bansa, aba’y ayaw niya ring umalis ng Ukraine at handa rin daw siyang lumaban.
Atapang atao ba talaga ang mga Ukrainian? Kung may Netflix kayo mga tropapips o kahit sa Youtube, hanapin niya ang dokyu na “Winter On Fire,” at doon eh malalaman niyo ang madugong pagkikipaglaban ng Ukrainians para sa kanilang kalayaan.
Kung tayo eh may People Power revolution laban sa dikdaturyang Marcos, nagkaroon din sila ng kanilang sariling rebolusyon. Pero masuwerte tayo na ilang araw lang eh natapos na ang gulo. Pero sila sa Ukraine, umabot ng tatlong buwan at marami ang namatay bagong nila napatalsik ang dating nilang preidente na Viktor Yanukovych noong lang 2014.
At ngayong malapit na ang eleksiyon sa atin, kailangan pag-aralan nating mabuti ang katangian ng mga kandidato. Baka ang mapili natin eh parang manok na “tyope” na kapag tumaas lang ang balahibo ng kalaban ang bumotak na, at hindi makaharap kahit man lang sa debate.
Kahit wala namang giyera sa atin ngayon, dapat pang-giyera pa rin ang tapang ng ibobotong presidente, pati na ang kaniyang bise presidente. Siyempre, kapag may hindi magandang nangyari sa presidente, ang bise presidente ang papalit na lider.
Hindi rin naman siguro inasahan ng mga Ukrainian na makararanas sila ng giyera. Hindi rin natin alam kung mas gusto nila na isuko na lang ang bansa nila sa Russia. Pero kung pagbabasehan ang “Winter on Fire,” masasabi natin na matindi kung magmahal sa kanilang bansa ang mga Ukrainian.
Kaya kung mahal din ng mga Pinoy ang Pilipinas, aba’y huwag tayong magpadala sa mga ads at posts sa social media. Kilalanin at talagang kilatisin sila para hindi tayo magsisi sa huli. Mag-isip, wag maging tanga!
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)