May mga tropapips tayo na grabeng manakot kung bakit hindi raw dapat magkamali ang mga Pinoy sa ibobotong susunod na pangulo ng bansa: Dahil sa buwis at pondo ng bayan.
Simple lang ang paliwanag nila. Kung wala raw pakialam ang susunod na presidente sa kalagayan ng pamumuhay ng mga tao (lalo na ang mga middle income earner o middle class), asahan daw na posibleng magkaroon ng mga bagong buwis.
Sa nangyaring pandemic, bilyong-bilyon ang inutang ng kasalukuyang administrasyon. At dahil tapos na ang termino ng President Mayor Digong Duterte sa June 30, natural na ang magbabayad ng mga utang ay ang papalit na pangulo.
Dahil humina rin ang kita ng gobyerno dahil sa pandemic, natural na kapos din ang pagkukunan ng pambayad ng utang. Kaya ang resulta, kailangang mag-isip ng mga paraan ang susunod na pangulo kung ano ang dapat gawin.
Ang isang puwedeng gawin, sabi ng ilang tropapips natin, maghigpit ng sintoron ang gobyerno para may magamit na pambayad sa mga inutang. Pero kung ayaw maghigpit ng sintoron, baka kailangan ng dagdag-kita gaya ng dagdag-buwis.
Maaari din na lalo pang dagdagan ang bilang ng mga Pinoy na papayagang mag-abroad para mapalaki pa ang dollar remittance na mistulang naging oxygen daw at bumuhay sa ekonomiya natin ngayong pandemic.
Ang papaalis na Finance Secretary na si Carlos Dominguez III, may niluluto nang mga plano kung papaano raw masosolusyunan ang problema tungkol sa malaking utang na iiwan nila sa papalit na administrasyon.
Sa ilalim ng liderato ni Dominguez naipatupad ang mga tinatawag na tax reform program gaya ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na nagpataas ng presyo ng mga produktong petrolyo, at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE).
Isipin niyo mga tropapips, dahil marami ang hirap ngayon bunga ng pandemic, at mahal pa ang presyo ng krudo, ang panawagan ng mga tao eh bawasan ang buwis, hindi dagdagan. Papaano kung matuloy pa ang giyera ng Ukraine at Russia, na damay ang Europe?
Kaya naman papaano na lang kung kurakot ang maging susunod na presidente ng bansa o konsintidor sa mga alipores niyang kurakot din? Ang mangyayari, nagpataw na ng bagong buwis, baka nawaldas pa ang pondo ng bayan.
Noong 2019, sinabi ni Deputy Ombudsman Cyril Ramos mga tropapips na P670 bilyon na pondo ng gobyerno ang napunta sa katiwalian noong 2017 at P752 bilyon naman noong 2018—o katumbas ng P1. 4 trilyon.
Ang presidential bet at senador na si Ping Lacson, na kilalang tagabusisi ng ipinapasang budget, sinabing taon-taon eh mayroong P320 bilyon sa national budget ang hindi nagagamit at nasasayang lang.
At sa 17 taon sa ginagawa niyang pagkontra sa mga kuwestiyonableng proyekto at alokasyon, aba’y nakatipid ang bansa ng nasa P300 bilyon.
Kaya ang gusto niya, mabalanse ang paggamit ng pondo at maikalat talaga sa lokal na pamahalaan. Para nga naman mapakibangan ng mga tao–lalo na ang mga nasa probinsiya.
Bukod nga pala sa bilyong-bilyon pondo na nakukurakot, aba’y mayroon din mga tropapips na bilyon-bilyong buwis na hindi nakokolekta. Kaya ang dapat na maging susunod na lider ng bansa eh hindi magnanakaw at talagang may malasakit–hindi lang sa mga tao kung hindi maging sa pera ng bayan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)