Usap-usapan ng ayudanatics nating mga kurimaw habang pumapapak ng kornik ang bagong galawan ng ilang tagasuporta ni VP Leni Robredo na ilaglag ang kaniyang running mate na si Kiko Pangilinan.
Pero bago ‘yan, agree kaya ang mga tropapips natin sa inilabas na report na pangalawa ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia sa 2022 World Happiness Report.
Batay sa inilathala ng United Nations Sustainable Development Solutions Network, nakakuha ng iskor na 5.904 ngayong 2022. Dahil diyan, pang-60 ang Pilipinas sa 146 na mga bansa na kasama sa listahan.
May kaunting asenso ang puwesto na ‘yan mga tropapips dahil pang 61 tayo sa world ranking noong 2021.
Pero ang mga kasama nating bansa sa Southeast Asian, una ang Singapore na pang-27 ang puwesto dahil sa iskor nitong 6.480. Sumunod na sa Pilipinas ang Thailand (61st), Malaysia (70th), Vietnam (77th), Indonesia (87th), Laos (95th) Cambodia (114th), at Myanmar (126th), at wala ang Brunei.
Sa buong mundo, ang Finland pa rin ang happiest country na may iskor na 7.821. Pinakakulelat na bansa naman sa iskor na 2.404 ang Afghanistan.
Ang kaligayan na sinusukat sa report mga tropapips eh batay daw sa “life evaluations as the more stable measure of the quality of people’s lives.” Kasama rin sa batayan ng kasiyahan ng mga tao sa kanilang bansa ang gross domestic product per capita, social support, haba ng malusog na buhay, personal freedom, at perceptions sa corruption.
Balik na tayo sa paglaglag kay Pangilinan. Pormal na kasing inilunsad mga tropapips ng mga sumusuporta kay Leni ang RoSa, o pagtutulak sa tambalang Leni Robredo-Sara Duterte.
Ilang kongresista ang lumantad na para sa RoSa. Pero ang sitsit ng ilang tropapips natin sa kampanya, simula na ‘yan ng paglaglag kay Pangilinan dahil wala raw “ambag” sa kampanya ni VP Leni.
Dahil wala namang maituturing “balwarte” si Pangilinan. Hindi gaya ni Sara na malakas ang hatak sa Mindanao. Kung tutuusin, ang Mindanao ang isa sa mga dahilan kaya mataas ang numero sa survey ni Bongbong Marcos Jr.
Kung tama ang “salsanalist” ng isa nating tropapips, kasama sa taktika ng mga supporter ni Leni na ilaglag ang “pabigat” na si Pangilinan, at ipalit si Sara para makuha nila ang suporta ng Mindanao mula kay Marcos Jr.
“Pabigat” ang tawag ng tropapips natin kay Pangilinan dahil tila may “karma” raw ito sa ginawang pagtakbong VP bet at kinalaban ang “tatay-tatayan” ng asawang si Sharon Cuneta na si Senate President Tito Sotto.
Dahil sa ginawa ni Pangilinan, hindi ngayon nagpapansinan sina Tita Shawie at nanay-nanayan nito na si Helen Gamboa, na Only One ni Tito Sen.
Ang tindi naman yata ng galit ni Pangilinan kay Tito Sen para kalabanin niya ito. O dahil kaya sa sobrang taas lang talaga ng ambisyon niya at naniniwala siya na kaya niyang talunin ang utol ni Bossing Vic Sotto sa VP race.
Si Sotto ang running mate ng presidential candidate Ping Lacson, at una silang nagdeklara ng kanilang tandem para sa halalan. Pero ang iba, nagdrama effect pa muna na kesyo nag-iisip pa muna pero sa huli, tumakbo rin.
Ang dapat daw kasing ginawa noon ni Pangilinan eh tumanggi nang sulsulan na tumakbong VP bet. Mas maganda raw kung naging tagapamagitan na lang si Pangilinan sa pagkuha ng running mate ni VP Leni na may balwarte o malakas, gaya nina Sen. Tito o Manny Pacquiao.
Hindi lang yan, sa Zamboanga kapansin-pansin di asawa ni Sharon Cuneta ang “type” na VP ni Mayor Beng Climaco, kahit ulit-ulitin nyong panoorin ang video, nagmukhang singaw na kornik ang hitsura ng senador habang ini-endorso si Robredo sa entablado.
Hirit pa ng tropapips natin, dahil kakainin lang naman nang buong-buo ni Sara si Pangilinan sa VP race, magbabakasakali na lang ang mga Pinklawan na ipares ang manok nila sa VP bet na malakas sa Mindanao. Magtagumpay kaya sila? Abangan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)