Halos dalawang buwan na lang bago sumibat sa Palasyo, iniutos ni President Mayor Digong Duterte na ipatigil ang operasyon ng online sabong. Pero posible kayang panandalian lang na magba-bye ang talpakan sa e-sabong?
Pero bago ‘yan mga tropapips, malamang na marami ang sabik na malaman ang resulta ng halalan. Ilan kayang botante ang pasaway na magse-selfie habang bumoto kahit iniutos na bawal kumuha ng litrato sa polling precinct?
Ilan din kaya sa mga botanteng may sintomas ng COVID-19 ang malilito at hindi alam kung sino ang susundin–ang Comelec ba o ang Department of Health?
Sabi kasi ng Comelec, kahit may sintomas ng sakit eh puwedeng bumoto dahil may isolation room naman para sa kanila. Mahirap nga naman at kailangang tiyakin kasi ng Comelec na walang botante ang mapagkakaitan ng kanilang karapatan na makaboto.
Kukuhanan kasi ng temperatura ang mga boboto. Kapag nasa 37.5 pataas ang temperatura. Itatabi muna sila para mag-relax dahil baka naarawan lang kasi mainit ang katawan. Pero kapag kinuhanan muli ng temperatura at mataas pa rin, doon na sila pabobotohin sa isolation room kasama ng mga botante na may sintomas ng COVID tulad marahil ng sipon, lagnat o ubo.
Pero kung ang DOH ang masusunod, hindi na raw dapat umalis ng bahay ang mga botante na may sintomas ng COVID. Mas mabuti na raw ang sigurado na hindi sila makakahawa kung sakaling positibong COVID virus nga ang tumama sa kanila.
Kaya dapat mag-ingat sa pagboto at magsuot ng face mask. Kapag natapos nang bumoto, umuwi na at huwag nang makipag-marites sa ibang botante kung sino ang kanilang ibinoto. Mahirap na, baka dumami na naman ang kaso ng COVID sa bansa at ma-lockdown uli tayo gaya sa China.
Buweno, maraming tropapips natin ang natuwa na ipinatigil na ni President Mayor Digong ang e-sabong na sinasabing dahilan ng ilang krimen. Marami na kasi ang nalululong sa naturang uri ng sugal. May mga tao na wala nang pangtalpak ang nababalitang nagnanakaw na o nanghoholdap.
Ang iba, nasira na ang pamilya dahil inubos na sa sabong ang pera nila at nabaon pa sa utang. May mga nagbebenta pa ng anak at nanakit ng asawa dahil sa pagkaburyong sa sabong. Ang matindi, may mga namamatay tulad ng mga nawawalang sabungero.
Pero sa laki ng kita sa e-sabong, may mga ayudanatics tayong mga kurimaw ang duda na tuluyang mawawala ito. At naghahamon pa sila ng pustahan na may mga “ninja” o patagong mag-o-operate ng e-sabong, na gaya raw ng jueteng.
Aba’y mantakin mong P3 bilyon nga raw bawat buwan ang kinikita sa e-sabong. Para sa mga mahuhusay dumiskarte, tiyak nga naman na mahirap pakawalan na lang basta ang ganung napakalaking kita. Kaya tiyak na hahanap sila ng paraan.
Dahil malamang na magbabalik ang mga derby sa sabungan, hindi malayong may dumiskarte kung papaano ito palihim na mailulusot sa internet, pati ang pagtaya. Para lang ‘yan mga sinaunang hybrid na ilegal na sugal na tulad ng loteng, ending, at kung ano-ano pa.
At dahil malaki rin naman ang buwis na nakukuha ng gobyerno sa e-sabong, maaaring ibalik din ito ng susunod na administrasyon. Pero dapat itong kontrolin nang husto para hindi maadik ang mga tao, pati ang mga Pinoy na nasa abroad. Kung paano, let’s wait and see.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)