Tila ‘ninja moves’ ang muling pagbubukas at operasyon ng pagmimina sa Sibuyan Island ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) dahil kung hindi pa umano ito nagpatawag ng mga pagpupulong para sa information and education campaign – isa sa pangunahing requirements sa pagkuha ng Environmental Compliance Certificate (ECC), hindi pa nalaman ng mga residente lalo ng mga environmentalists na naalis na pala mula sa nasabing kumpanya ang dating cease and desist order na napataw ng Mines and Geosciences Bureau noong 2011 dahil sa kakulangan ng pagtanggap ng kumunidad. Subalit noong September 2021 lamang ay naalis na rin mula sa kumpanya ang nasabing ban, matapos ipatupad ng Malacanang ang Executive Order No. 130, na nagpapatupad ng mga reporma sa industriya ng pagmimina sa bansa.
Walang duda na ang isla ng Sibuyan ay napakaganda. Ang nakakamanghang Mt. Guiting-guiting na nagiging tahanan sa maraming likas na yaman at proteksiyon sa buong isla ay walang kapantay sa kagandahan at taglay na kayamanan at biodiversity nito. Kung kaya’t ‘di nakapagtataka na tinagurian itong ‘Galapagos of Asia’. Ito rin ang masasabi na huli at natitirang ecological frontier sa bansa.
Marami na rin naman tayong alam na mga bayan o lugar na nagkaroon ng pagmimina. Pero ito ba ay may magandang naidulot sa bayan o sa mga residente ng nasabing lugar sa pangkalahatan? Ang sagot po dyan ay wala. Wala po kayong mababanggit kahit isang pangalan ng bayan na yumaman pati na mga mamamayan dahil sa may operasyon ng mina sa nasabing lugar.
Ang pagkakasira ng kapaligiran na nagdudulot ng polusyon at peligro sa mga mamamayan ang laging pamana ng operasyon ng mina. Bagamat sa una, maaaring ito ay magbukas ng oportunidad sa trabaho para sa ilang mga residente, pero hindi nito kayang pantayan ang kahalagahan at kagandahan ng kalikasan sa pangkalahatan. Samakatuwid, ang operasyon ng mina sa isang lugar ay walang direktang pakinabang sa bayan o mamamayan sa pangkalahatan.
Eh, sino nga ba ang yumayaman sa operasyon ng mina sa isang lugar? Sino pa e di yung kumpanya din lang naman.
What’s your thought?