Online at operational na ang pinakamalaking renewable hybrid power plant sa bansa na matatagpuan sa isla ng Tablas, Romblon sa ilalim ng Suweco Tablas Energy Corporation (STEC).
Sa panayam sa Romblon News Network, sinabi ni Engr. Mark Dalisay, Plant Supervisor sa Tumingad Solar Power Plant, na tinawag itong hybrid dahil sa pagsamahin ang tatlong power source system sa iisang automated controller.
Sa tulong ng Universal Power Platform ng DHYBRID Power Systems GmbH, napagsama ang automation ng 2.8 megawatt DHYBRID Battery Energy Storage System, 10.2 megawatt Solar Power Plant, at ang 14.6 megawatt Diesel Power Plant.
January 2023 nang simulang pagsamahin sa iisang grid ang tatlong power source system na ito.
Sinabi ni Engr. Dalisay na kayang punan ng environment-friendly na power plant ang kasalukuyang demand ng Tablas Island, Romblon na 8.2 megawatt tuwing gabi.
Paliwanag nito, tuwing umaga ay pinatatakbo nila ang solar power plant at pagdating ng gabi ay pinapalitan na ito ng diesel power plant.
“Since green energy nagagawa niya, maganda siya sa environment natin at nababawasan ‘yung consumption ng fuel na harmful sa tao at sa mga hayop. Mas pabor tayo dito sa green energy na i-promote,” pahayag ni Engr. Dalisay.