Pumirma nitong Huwebes, October 8, sa isang memorandum of agreement (MOA) ang Homebased Industries Manufacturers Organization (HIMO) at ang dalawang online delivery platform sa Romblon na HungryBear at Odiongan E-Palengke.
Ang HIMO ay isang grupo ng local manufacturers sa Romblon na siyang katulong ng Department of Trade and Industry sa pagtatayo ng One-Town, One Product (OTOP) Hub sa bayan ng Odiongan.
Sa nasabing memorandum of agreement, nakasaad na tutulungan ng dalawang online delivery platform sa Romblon ang mga local manufacturers na makahanap ng market hindi lamang sa Romblon kundi sa iba pang probinsya na naabot ng serbisyo ng mga nabanggit na platform.
Naging saksi sa naganap na MOA signing si DTI Provincial Director Noel Flores na nangakong tutulong para mas mapalago at mas mapaganda pa ang pagtutulungan ng HIMO, HungryBear at Odiongan E-Palengke.
Inaasahang sa susunod na mga linggo ay makikita na sa mga application ng mga nabanggit na online delivery platform ang mga produktong lokal na makikita sa OTOP Hub katulad ng mga peanut butter, chili sauce, at iba pang produktong tatak lokal.