Pormal nang kinilala ang “boxing immortality” ng nag-iisang 8-division world champion na si Manny “Pacman” Pacquiao matapos siyang mailuklok bilang Hall of Famer sa prestihiyosong International Boxing Hall of Fame Class of 2025, sa seremonyang ginanap noong Hunyo 9, 2025 sa Turning Stone Resort, Verona, New York.
Si Pacquiao ang kauna-unahang boksingerong nakamit ang world title sa walong magkakaibang weight divisions, mula Flyweight, Bantamweight, Super Bantamweight, Featherweight, Super Featherweight, Light Welterweight, Welterweight, hanggang Light Middleweight—isang rekord na wala pang nakakadaig sa kasaysayan ng boksing.
Nagsimula ang professional boxing career ni Pacquiao noong 1995. Ilan sa mga laban na nagpatibay sa kanyang pangalan sa kasaysayan ay ang panalo niya laban kay Chatchai Sasakul noong 1998 para sa WBC Flyweight title, at ang pagkakagulat ng mundo nang talunin niya si Lehlohonolo Ledwaba ng South Africa noong 2001 para sa IBF Super Bantamweight title—ang kanyang unang laban sa Amerika.
Hindi rin malilimutan ang kanyang trilogy laban kay Erik Morales, ang dalawang beses na pagkakatalo kay Marco Antonio Barrera, at ang apat na matitinding laban kontra kay Juan Manuel Marquez. Idagdag pa rito ang kanyang makasaysayang laban kontra sa mas malalaking boksingero tulad nina Oscar Dela Hoya, Miguel Cotto, Antonio Margarito, Shane Mosley, Joshua Clottey, Timothy Bradley, Zab Judah, at ang “Fight of the Century” laban kay Floyd Mayweather.
Sa ngayon, si Pacquiao ay may professional record na 62 panalo, 8 talo, 2 tabla at 39 knockout victories. Bagamat pormal nang Hall of Famer sa edad na 46, may nakatakda pa siyang laban sa Hulyo 20, 2025 kontra sa Mexican-American na si Mario Barrios, kung saan nakataya ang WBC Welterweight title ng 30-anyos na si Barrios.
Sa kanyang pagkaka-induct sa Hall of Fame, si Pacquiao na ang ika-apat na Filipino na napasama sa International Boxing Hall of Fame, kasunod nina Gabriel “Flash” Elorde (Class of 1993), Pancho Villa (Class of 1994), at boxing promoter Lope “Papa” Sarreal (Class of 2005).
Kasama ni Pacquiao sa Class of 2025 ang iba pang boxing greats tulad nina Vinny “The Pazmanian Devil” Paz, Michael “Second To” Nunn, Yessica “Kika” Chavez, Anne Sophie Mathis, Mary Jo Sanders, Cathy “Cat” Davis, referee Kenny Bayless, cutman Al Gavin, referee Harry Gibbs, boxing journalist Randy Gordon, at television boxing producer Ross Greenburg.