Nilinaw ng Lokal na Pamahalaan ng Santa Maria na hindi sa bayan ng Santa Maria, Romblon ang tinutukoy sa kumakalat na social media post na naglalaman ng umano'y banta ng karahasan laban sa isang paaralang may pangalang Santa Maria National High School.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng LGU na matapos ang isinagawang validation, fact-finding, at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang awtoridad, nakumpirma na hindi sa kanilang bayan ang tinutukoy na paaralan sa naturang social media post.
Gayunman, tiniyak ng lokal na pamahalaan na nananatili itong nakaalerto at patuloy na nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang matiyak ang kaligtasan ng mga paaralan at komunidad.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Santa Maria Mayor Lorelie Fabon na bagama't hindi sa Romblon ang naturang banta, inatasan na niya ang mga kapulisan na paigtingin ang pagbabantay sa lahat ng paaralan sa bayan.
Ayon sa alkalde, inutusan niya ang mga pulis na magsagawa ng regular na pag-iikot sa mga paaralan upang matiyak ang seguridad ng mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani.
Nanawagan din ang LGU sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at iwasang magbahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng takot at pangamba sa komunidad.
Hinikayat din ang mga residente na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bayan.


































