Muling isinulat ni Carlos Alcaraz ng Spain at Coco Gauff ng USA ang kanilang pangalan sa kasaysayan ng tennis matapos magwagi sa katatapos na French Open 2025, na ginanap mula Mayo 25 hanggang Hunyo 8 sa Roland Garros Stadium sa Paris, France. Ang French Open o Roland Garros ay itinuturing na ikalawang Grand Slam tournament sa tennis calendar at kilala sa pagiging clay court event.
Sa men’s division, muling ipinamalas ni Carlos Alcaraz ang kanyang tatag at determinasyon matapos talunin sa limang set ang world no. 2 na si Jannik Sinner ng Italy sa score na 4–6, 6–7, 6–4, 7–6, at 7–6. Sa women’s division naman, matagumpay na pinataob ni Coco Gauff si Aryna Sabalenka ng Belarus, 6–7, 6–2, 6–4, upang makuha ang kanyang ikalawang Grand Slam title.
Para kay Alcaraz, hindi naging madali ang kanyang finals match. Nawalan man ng kontrol sa unang dalawang set, muling bumangon sa ikatlong set sa pamamagitan ng 6–4 panalo. Sa ikaapat na set, halos mapasakamay na ni Sinner ang panalo matapos umabot sa triple match point, 5–4, 0–40, ngunit matibay na depensa at composure ni Alcaraz ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong maibalik ang momentum. Sa huli, nanalo siya sa tie-break ng ikaapat na set at tuluyang kinontrol ang ikalimang set upang makuha ang kampeonato. Sa panalong ito, nasungkit ni Alcaraz ang kanyang ikalawang sunod na French Open title at panglimang Grand Slam championship sa kabuuan.
Bago makarating sa finals, tinalo ni Alcaraz sina Giulio Zeppieri ng Italy sa iskor na 6–3, 6–4, 6–2 sa 1st round; Fabian Marozsan ng Hungary, 6–1, 4–6, 6–1, 6–2 sa 2nd round; Damir Dzumhur ng Bosnia & Herzegovina, 6–1, 6–3, 4–6, 6–4 sa 3rd round; Ben Shelton ng USA, 7–6, 6–3, 4–6, 6–4 sa 4th round; Tommy Paul ng USA, 6–0, 6–1, 6–4 sa quarterfinals; at Lorenzo Musetti ng Italy sa semifinals sa score na 4–6, 7–6, 6–0, 2–0 (retired).
Samantala, matagumpay ding niresbakan ni Coco Gauff si Sabalenka matapos matalo sa unang set. Sa ikalawa at ikatlong set, ipinamalas ni Gauff ang kanyang athleticism at composure para makuha ang kontrol ng laro. Ang panalo ay ikalawang Grand Slam title na para sa 21-anyos na Amerikanang bituin.
Bago makuha ang titulo, tinalo muna ni Gauff sina Olivia Gadecki ng Australia, 6–2, 6–2 sa 1st round; Tereza Valentova ng Czech Republic, 6–2, 6–4 sa 2nd round; Marie Bouzkova ng Czech Republic, 6–1, 7–6 sa 3rd round; Ekaterina Alexandrova ng Russia, 6–0, 7–5 sa 4th round; Madison Keys ng USA, 6–7, 6–4, 6–1 sa quarterfinals; at Lois Boisson ng France, 6–1, 6–2 sa semifinals.
Sa iba pang kategorya, nagkampeon sa men’s doubles sina Marcel Granollers ng Spain at Horacio Zeballos ng Argentina. Sa women’s doubles, wagi ang magkababayang sina Sara Errani at Jasmine Paolini ng Italy. Sa mixed doubles naman, tinanghal na kampeon ang mga Italians na sina Andrea Vavassori at Sara Errani.
Samantala, bahagyang bumaba sa world no. 77 ang ranking ni Alex Eala ng Pilipinas matapos siyang matalo agad sa 1st round ng torneo.