Natapos na ang 2024–2025 regular season ng National Basketball Association (NBA) kung saan ang lahat ng 30 koponan ay nakapaglaro ng 82 games. Kasabay nito, magsisimula na ang NBA Play-In Tournament at NBA Playoffs. Sa bawat Eastern at Western Conference, ang top 10 teams ay may tsansang umabante patungong postseason.
Para sa Eastern Conference, nakuha ng Cleveland Cavaliers ang top seed matapos ang 64–18 win-loss record. Sumunod sa kanila ang Boston Celtics bilang No. 2 seed na may 61–21 record; New York Knicks bilang No. 3 na may 51–31; Indiana Pacers sa No. 4 na may 50–32; Milwaukee Bucks sa No. 5 na may 48–34; at Detroit Pistons sa No. 6 na may 44–38.
Ang mga teams na No. 7 hanggang No. 10 ay dadaan sa Play-In Tournament. Nasa No. 7 ang Orlando Magic (41–41), No. 8 ang Atlanta Hawks (40–42), No. 9 ang Chicago Bulls (39–43), at No. 10 ang Miami Heat (37–45). Maghaharap ang Orlando Magic at Atlanta Hawks kung saan ang mananalo ay makakakuha ng 7th seed at makakatapat ang Boston Celtics sa first round ng playoffs. Ang matatalo naman ay maghaharap sa panalo ng Chicago Bulls vs Miami Heat upang malaman kung sino ang magiging No. 8 seed na makakalaban ng top seed Cleveland Cavaliers. Ang matatalo sa Bulls-Heat matchup ay tuluyan nang matatanggal.
Sa iba pang matchups, makakaharap ng New York Knicks (No. 3) ang Detroit Pistons (No. 6), habang ang Indiana Pacers (No. 4) ay makakalaban ang Milwaukee Bucks (No. 5), lahat sa best-of-seven series.
Samantala, sa Western Conference, nanguna ang Oklahoma City Thunder na may 68–14 record, ang best record ng season. Sinundan sila ng Houston Rockets (No. 2, 52–30), LA Lakers (No. 3, 50–32), Denver Nuggets (No. 4, 50–32), LA Clippers (No. 5, 50–32), at Minnesota Timberwolves (No. 6, 49–33).
Papasok sa Play-In Tournament ang Golden State Warriors (No. 7, 48–34), Memphis Grizzlies (No. 8, 48–34), Sacramento Kings (No. 9, 40–42), at Dallas Mavericks (No. 10, 39–43). Maghaharap ang Warriors at Grizzlies, kung saan ang panalo ay aabante bilang 7th seed at makakalaban ang Rockets sa playoffs. Ang matatalo ay maghaharap sa panalo ng Kings vs Mavericks upang malaman kung sino ang magiging No. 8 seed na lalaban sa OKC Thunder. Ang matatalo sa Kings-Mavericks matchup ay matatanggal na.
Sa ibang first-round matchups ng Western Conference, magtatapat ang LA Lakers (No. 3) at Minnesota Timberwolves (No. 6), habang magsasagupa ang Denver Nuggets (No. 4) at LA Clippers (No. 5), parehas na best-of-seven series.
Ang NBA Play-In Tournament ay gaganapin mula April 16–17, 2025, habang ang NBA Playoffs ay opisyal na magsisimula sa April 20, 2025.
Discussion about this post