Nagsagawa ng pagpupulong ang Lokal na Pamahalaan ng San Agustin, Romblon at ang Mabalacat City Tourism and Cultural Office upang talakayin ang mga posibleng partnership sa turismo kasabay ng nalalapit na paglulunsad ng direktang Clark–Tablas flights ng Sunlight Air.
Pinangunahan ni San Agustin Mayor Aaron James Madrona ang pagpupulong noong Hulyo 31 kasama si Mabalacat City Tourism Officer Arwin Paul Alfonso Lingat, kung saan tinalakay ang mga programang magpapalakas sa turismo at koneksyon sa pagitan ng Romblon at Central Luzon.
Kabilang sa mga napag-usapan ang posibilidad ng Familiarization (FAM) Tour Exchange sa pakikipagtulungan sa Association of Travel and Tour Operators of Pampanga upang higit pang maipakilala ang mga destinasyon sa Romblon at Pampanga.
Tinalakay rin ang posibilidad ng paglagda sa isang Sisterhood Agreement sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan sa Pampanga at Romblon upang palawakin ang ugnayan sa larangan ng turismo, kultura, edukasyon, at pamamahala.
Ayon kay Madrona, inaasahang magbibigay ang direktang Clark–Tablas flights ng mas mabilis na access para sa mga turista mula sa Central at Northern Luzon, na magbubukas ng mas maraming oportunidad sa turismo at kabuhayan para sa mga komunidad sa San Agustin at iba pang bahagi ng Romblon.
Nagpasalamat din ang alkalde sa Mabalacat City Tourism and Cultural Office sa pagbubukas ng oportunidad para sa mas malalim na pakikipagtulungan, na aniya ay makatutulong sa pagpapanatili ng bagong air route.
“Our goal is simple: Help sustain these flights. Because when the flights stay, jobs stay. Opportunities stay. And our people benefit,” ani Madrona.
Inaasahang magsisimula ang direktang biyahe ng Sunlight Air sa rutang Clark–Tablas sa mga susunod na buwan, na inaasahang magpapalakas sa turismo at ekonomiya ng lalawigan ng Romblon.



































Discussion about this post