Nito lamang April 12, 2025, ay idinaos at naging matagumpay ang kauna-unahang Open Chess Tournament sa bayan ng Banton, Romblon. Nilahukan ito ng 42 rated at non-rated players hindi lamang mula sa probinsya ng Romblon kundi pati na rin mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Itinanghal na kampeon sa torneo ang 25-year-old na si Samson Chiu Chin Lim III mula sa Bulacan matapos siyang makapagtala ng 5.5 points sa loob ng 7 rounds. Katabla niya sa puntos si Richie Jocson mula sa Laguna, ngunit dahil sa tiebreak rule ay si Lim ang nagwagi ng kampeonato at nag-uwi ng P15,000 prize money at tropeo. Si Jocson naman ay nagtapos sa ikalawang pwesto at tumanggap ng P10,000 na premyo at tropeo.
Parehong may 5 puntos naman sina Jan Roldan Oriendo ng Marikina na nagtapos bilang 3rd placer (P7,000 prize money at tropeo), Nephtali Bantang mula Corcuera na 4th placer (P5,000 prize money at medalya), at Restito Fetalco ng Banton na 5th placer (P3,000 prize money at medalya).
May tig-4 puntos naman ang 6th placer na si Richard Pelaez mula Marinduque na nag-uwi ng P2,000 at medalya. Habang ang 7th to 10th placers na sina Christian Jake Sace ng Marinduque, Jerry Morada ng Corcuera, Noe Ramon ng Sta. Fe, at Vance Fajarit ng Corcuera ay tumanggap ng P1,000 prize money at medalya bawat isa.
Dahil sa tagumpay ng chess tournament na ito, inaasahang muling mauulit ang ganitong event sa Banton. Layunin din ng mga susunod na paligsahan na mas palawakin ang partisipasyon ng mga manlalaro at makadiskubre ng mga future masters at chess superstars mula sa lalawigan ng Romblon.
Discussion about this post