Bilang suporta sa mga atleta ng Romblon na nasa Palawan para sa MIMAROPA Regional Athletic Meet 2025, bumisita sa Puerto Princesa ang ilan sa mga matataas na opisyal ng probinsya, sa pangunguna nina Congressman Eleandro Madrona, Governor Jose Riano, at Vice Governor Armando Gutierrez
Maliban sa pisikal na presensya at moral support, nagbigay rin ang Provincial Government of Romblon ng financial assistance para sa lahat ng 275 atleta at coaches. Kabilang dito ang pondo para sa transportasyon, pagkain, at uniporme.
Bukod pa rito, tumanggap ng P2,000 cash incentive ang bawat atleta bilang suporta sa kanilang pangangailangan habang nasa kompetisyon. Samantala, P1,000 cash incentive naman ang natanggap ng bawat coach bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap na ihanda ang mga manlalaro.
“Sa ating mga atleta, ipakita ninyo ang husay, disiplina, at determinasyon ng isang tunay na Romblomanon. Laban para sa pangarap, laban para sa Romblon,” ayon sa gobernador.
Kasama rin sa pagbisita sa Palawan ang ilang alkalde ng probinsya na nagbigay ng kanilang suporta, kabilang sina Mayor Gard Montojo ng Romblon, Mayor Lisette Arboleda ng Looc, Mayor Greggy Ramos ng Cajidiocan, at Mayor Elsie Visca ng Sta. Fe.
Ang palarong ito ay nilalahukan ng mga probinsya ng Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, at ang host province ngayong taon, Palawan. Magtatagal ang kompetisyon hanggang March 16, 2025.
Bukas, March 12, opisyal nang magsisimula ang mga laban sa iba’t ibang sports sa MIMAROPA RAA Meet 2025.
Discussion about this post