Matagumpay na itinanghal bilang mga kampeon sa katatapos na San Fernando Chess Tournament sina Gary Faeldonia para sa All-Sibuyanon Category at Jasper Faeldonia para sa Open Category. Ang torneo ay ginanap noong Pebrero 15-16, 2025, sa Covered Court ng Barangay Pili sa San Fernando, Sibuyan Island.
Sa All-Sibuyanon Category, nakuha ni Gary Faeldonia ng San Fernando ang kampeonato matapos makalikom ng kabuuang 6 puntos sa 7 rounds. Pumangalawa si Joe Hammer ng San Fernando na may 5.5 puntos, kapantay ng MIMAROPA player na si MJ Repizo mula Cajidiocan na nagtapos sa ikatlong puwesto. Samantala, nagtapos sa ika-4 hanggang ika-8 puwesto sina Josh Galindo ng Danao, Jimson Serrano II ng Magdiwang, Dante Teaño ng Cajidiocan, Lizarondo Oligay ng San Fernando, at Japeth Federico ng Cajidiocan na may tig-5 puntos. Sumunod naman sa ika-9 at ika-10 puwesto sina Arthos Militar ng Magdiwang na may 4.5 puntos at Carlo Rollon ng Magdiwang na may 4 puntos. Sa kabila ng pagiging hindi tubong Sibuyan, pinayagang lumahok sina Gary Faeldonia at Japeth Federico dahil sa kanilang matagal nang paninirahan at pagtatrabaho sa isla.
Sa Open Category, itinanghal na kampeon si National Master Jasper Faeldonia ng Odiongan at College of Saint Benilde Varsity Chess Team matapos magtala ng 6 puntos sa 7 rounds. Pumangalawa si Michael Falses mula Roxas City, Capiz na may 5.5 puntos, habang pangatlo si Nepthali Bantang ng Corcuera na may kaparehong puntos. Samantala, nagtapos sa ika-4 at ika-5 puwesto ang Arena International Masters na sina Jerick Faeldonia ng Arellano University Chess Team at Ernie Faeldonia mula Odiongan.
Kabilang din sa mga nanguna sa torneo sina Francis Ligon ng Nueva Ecija na kasalukuyang coach ng LPU Chess Team at nagtapos sa ika-6 na puwesto na may 4.5 puntos, Abraham Pontino ng Roxas City, Capiz sa ika-7 puwesto na may 4.5 puntos, Avelino Lumar ng Roxas City, Capiz sa ika-8 puwesto na may 4.5 puntos, Gibson Patinio ng Magdiwang sa ika-9 puwesto na may 4.5 puntos, at MJ Repizo ng Cajidiocan na nagtapos sa ika-10 puwesto na may 4 puntos.
Ang nasabing torneo ay isa sa pinakamalaking chess tournaments na ginanap sa bayan ng San Fernando, kung saan lumahok ang 34 na manlalaro sa All-Sibuyanon Category at 30 sa Open Category. Ang mga nanalo ay nag-uwi ng malaking gantimpala. Sa All-Sibuyanon Category, ang kampeon ay tumanggap ng ₱7,000 at isang tropeo, habang ang pangalawang puwesto ay nakatanggap ng ₱5,000 at medalya, at ang pangatlo ay nag-uwi ng ₱3,000. Sa Open Category, ang kampeon ay nagkamit ng ₱10,000 at tropeo, ang pangalawa ay tumanggap ng ₱8,000 at medalya, at ang pangatlo ay nakakuha ng ₱6,000. Bukod sa mga pangunahing gantimpala, nagbigay rin ang San Fernando Chess Club ng iba pang papremyo para sa Top 10 ng bawat kategorya.
Dahil sa tagumpay ng event, umaasa ang San Fernando Chess Club na mas marami pang manlalaro ang lalahok sa kanilang mga susunod na torneo. Ang event ay naisakatuparan sa tulong ng San Fernando Chess Club President Fabert “Nonong” Reyes, Ptr. Joel “Jojo” Forcadas, Joe Hammer, at Ryan Tinion.
“Mabuhay ang Isla ng Sibuyan—bayan ng Magdiwang, Cajidiocan, at San Fernando—sa matagumpay na chess tournament! Maraming salamat sa lahat ng magagaling na players ng Sibuyan Island. Dahil sa inyong partisipasyon, naging matagumpay at masaya ang event. Ang ilan sa ating mga manlalaro ay sasabak sa MIMAROPA upang muling ipamalas ang kanilang galing sa larangan ng chess. Mabuhay kayo at pagpalain ng Dakilang Diyos,” mensahe ng San Fernando Chess Club sa pagtatapos ng palaro.