Patuloy na pinag-iingat ang publiko laban sa tinatawag na “vishing” o voice phishing scam na kadalasang tumatarget ng mga bank depositor o online bank account client para nakawin ang kanilang pinaghirapang pera.
Ang vishing ay isang modus ng scam kung saan ang scammer ay tumatawag upang makumbinsi ang kanilang nabiktima na magbigay ng sensitibong impormasyon tulad ng bank account details. Kapag nakuha na ang nasabing impormasyon, dito na maaaring nakawin ng scammer ang laman ng bank account ng biktima.
Ayon sa BDO Unibank, narito ang ilan sa kadalasang ginagamit na modus ng mga vishing scammer upang mangbiktima:
1. Tatawag sa biktima at magpapanggap na representante ng isang ahensya ng gobyerno, bangko, o di kaya’y magpapadala ng text o direct message para sila na mismo ang tawagan ng napili nilang biktima.
2. Upang makumbinsi ang biktima na sya ay lehitimo, gagamit ang scammer ng impormasyong tungkol sa credit card o bank account ng biktima bilang dahilan ng kanyang pagtawag. Ang mga impormasyong ito ay maaaring makuha ng mga scammer sa mga dokumentong may sensitibong detalye na hindi naitapon ng maayos, o sa mga posts sa social media ng mismong biktima. May mga pagkakataon din na bumibisita o sumasali mismo ang mga scammer sa mga “credit card o bank account groups” sa social media para doon sila maghanap ng mabibiktima.
3. Gagamit ng pananakot o mabilis at kapani-paniwalang pananalita ang mga scammer upang tuluyang makumbinsi ang kanilang biktima, tulad ng mga katagang “na-hack ang iyong account”, “may na-detect na problema sa account mo”, “Congrats! Nanalo ka ng…,” “Special Offer! Effective only today!,” o inaatasan ang biktima na i-activate ang isang offer sa ATM kapalit ng isang reward.
4. Habang tumatagal ang usapan, tumataas din ang posibilidad na makumbinsi ng scammer ang biktima. Dahil inaakala ng biktima na lehitimo ito at hindi nya makayang putulin ang tawag o ibaba ang telepono, mas malaki rin ang posibilidad na sundin nya kung anomang instructions ang ibigay ng scammer tulad ng pagbibigay ng Card Verification Value o CVV ng credit card, username at password ng online bank account, One-Time PIN o OTP, o ang pag-click sa isang link na ipapadala ng scammer.
Sa lahat ng mga nabanggit na scenario, ang pinakakaraniwan dito ay ang pagmamadali ng scammer sa biktima nila na umaksyon na agad habang kausap ito sa telepono. Dahil dito, maaaring mataranta ang biktima at sumunod sa mga ibibigay na utos ng scammer.
Upang hindi maging biktima ng vishing scam, nagpapaalala ang BDO sa publiko na laging maging mahinahon kung makakatanggap ng text o tawag lalo sa mga hindi rehistradong numero. Dagdag pa ng bangko na kahit na alam ng scammer ang numero, pangalan at trabaho nila, huwag kaagad maniniwala sa binibitawang mensahe o susunod sa mga instruction nito. Marapat na tapusin na ang tawag lalo na kung may pagmamadali, at tumawag sa official customer service hotline ng sinasabing ahensya o bangko, dagdag pa ng BDO.
Ayon pa sa BDO, matapos ma-verify na peke ang nasabing tawag, i-block na agad ang numerong ginamit ng scammer at i-report ang insidente sa Customer Contact Center nito. (PR)