Pormal nang pinasinayaan ang dalawang bagong integrated school sa lalawigan ng Romblon na inaasahang maglalapit ng junior high school education sa mga mag-aaral mula sa ilang barangay sa mga bayan ng Looc at Ferrol.
Sa bayan ng Looc, pinasinayaan ang Guinhayaan Integrated School (GIS) kung saan magsisimula na ngayong taon ang pag-aalok ng Grade 7. Makikinabang dito ang mga mag-aaral mula sa mga barangay ng Guinhayaan, Tuguis, at Manhac sa Looc, gayundin ang Comod-om at Madalag sa Alcantara.
Ayon kay Schools Division Supt. Roger Capa, ang integrated school ay isang paaralan na may elementarya at junior high school sa ilalim ng iisang pamunuan at kampus. Sinabi rin nito na magtatalaga ang DepEd ng mga permanenteng guro para sa Grade 7 ng paaralan.
Samantala, pinasinayaan din sa bayan ng Ferrol ang Bunsoran Integrated School (BIS), na magsisimula ring magbukas ng Grade 7 ngayong taon para sa mga mag-aaral mula sa mga barangay ng Bunsoran, Agnocnoc, at Hinaguman. Kasabay nito ang pagbabasbas ng dalawang bagong silid-aralan ng paaralan.
Ayon sa pamunuan ng paaralan, inaasahang mababawasan ang pangangailangang bumiyahe ng mga mag-aaral patungo sa ibang bayan upang makapagpatuloy ng pag-aaral sa high school.
Dumalo sa pagpapasinaya sina Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic, Congressman Eleandro Jesus Madrona, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga punong barangay, at mga kinatawan ng sektor ng edukasyon.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Congressman Madrona na patuloy ang pagpapalawak ng mga pasilidad pang-edukasyon sa lalawigan upang mailapit ang serbisyo ng edukasyon sa mga komunidad. Binanggit din niya na mayroon nang isa o higit pang national high school sa bawat bayan ng Romblon at patuloy pang nadaragdagan ang mga integrated school sa lalawigan.
Ayon sa mga opisyal ng DepEd Romblon, bahagi ang pagtatatag ng mga integrated school ng programa upang mapalawak ang access sa basic education at mailapit ang serbisyo ng junior high school sa mga mag-aaral sa mga barangay.


































Discussion about this post