Naglabas ng babala ang lokal na pamahalaan ng Romblon matapos maiulat ang pagdami ng mga thimble jellyfish sa ilang bahagi ng karagatan ng munisipalidad.
Lumabas ang babala kasunod ng mga ulat mula sa mga divers at beachgoers na nakaranas ng pangangati at pantal matapos makasalamuha ang mga jellyfish habang nasa dagat.
Sa isang social media post, ibinahagi ng netizen na si Lala Dela Cruz ang kanilang karanasan habang nagsasagawa ng introduction to freediving session kung saan napansin nila ang malaking bilang ng jellyfish sa mas malalim na bahagi ng karagatan.
Ayon sa kanya, ilan sa mga kasama niya ang nakaranas ng pangangati at pantal na lumabas ilang oras matapos silang umahon mula sa dagat.
Kasunod nito, nagpalabas ng advisory ang Municipal Tourism Office ng Romblon upang paalalahanan ang publiko hinggil sa presensya ng mga thimble jellyfish sa ilang baybaying lugar.
Batay sa impormasyon ng Inaturalist.org, ang thimble jellyfish ay isang maliit na uri ng jellyfish na maaaring magdulot ng “seabather’s eruption,” isang reaksiyon sa balat na sanhi ng mga microscopic stinging cells o nematocysts mula sa juvenile jellyfish.
Pinapayuhan ang mga residente at turista na umiwas munang lumangoy sa mga lugar na may naiulat na presensya ng jellyfish, magsuot ng protective swimwear, at iwasang hawakan ang mga ito kahit pa naanod na sa dalampasigan.
Patuloy namang minomonitor ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon at hinihikayat ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahalintulad na insidente.


































Discussion about this post