Hindi na itutuloy ng San Miguel Corporation ang planong 2.54-kilometrong tulay na mag-uugnay sa mainland Malay at Boracay Island.
Ito ang kinumpirma ni Governor Jose Enrique Miraflores sa isinagawang stakeholders’ meeting sa Boracay noong Mayo 27.
Ayon kay Miraflores, personal umanong sinabi ni Ramon Ang ang desisyon sa isinagawang pagpupulong noong Mayo 13 sa Pasig City.
Sinabi ng gobernador na batid umano ng kumpanya ang malawak na pagtutol sa proyekto, kabilang ang mga naging reaksiyon sa media at social media.
Dagdag pa ni Miraflores, nais umano ng kumpanya na maiwasan ang anumang sigalot sa komunidad kaugnay ng proyekto.
Matatandaang iginawad ng Department of Public Works and Highways noong Abril ang ₱7.78-bilyong kontrata para sa proyekto sa San Miguel Holdings Corp., ang infrastructure arm ng SMC.
Kinuwestiyon naman ng ilang lokal na opisyal at iba’t ibang sektor ang proyekto dahil umano sa kawalan ng public consultation at endorsement mula sa municipal at provincial government.
Ayon kay Gov. Miraflores, nagkaroon ng pagpupulong matapos nilang makausap ni Aklan Rep. Florencio “Joeben” Miraflores si Ferdinand Marcos Jr. sa pagbisita nito sa Roxas City, Capiz noong Abril 27.
Sa isinagawang pagpupulong kasama si Ramon Ang, tinalakay ng mga opisyal ang posibleng epekto ng proyekto sa kapaligiran at kabuhayan ng mga residente sa Boracay at mainland Malay.
Sa kabila nito, sinabi umano ni Ang na layunin ng proyekto na makatulong sa turismo ng bansa.
Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang DPWH at SMC hinggil sa pinal na estado ng proyekto.



































Discussion about this post