Sa loob ng 18 taon bilang senador, patuloy ang ipinapakitang dedikasyon ni Senator Manuel “Lito” Lapid sa pagsusulong ng mga makabuluhang batas para sa mamamayang Pilipino.
Batay sa ulat ng kanyang tanggapan, mahigit 1,000 panukalang batas na ang kanyang inakda simula nang manungkulan siya sa Senado, kung saan mahigit 100 sa mga ito ang naipasa na bilang ganap na batas.
Noong ika-14 na Kongreso, pumangatlo si Lapid sa may pinakamaraming naihain na panukalang batas at resolusyon. Isa sa kanyang pinakamatatagumpay na panukala ay ang Free Legal Assistance Act of 2010 o “Lapid Law” (Republic Act No. 9999), na naglalayong tiyakin na ang mahihirap ay mabibigyan ng libreng serbisyong legal.
Bukod dito, siya rin ang may-akda ng Republic Act No. 11767 o Foundling Recognition and Protection Act, na nagbibigay ng legal na pagkilala at proteksyon sa mga ulilang bata at foundlings sa bansa. Isa rin sa kanyang pangunahing panukala ang Republic Act No. 11551 o Labor Rights Education Act, na nagsasama ng karapatang-paggawa sa tertiary curriculum.
Kabilang rin sa mga batas na kanyang inakda ay ang Republic Act No. 10367 o Biometrics Registration Law; Republic Act No. 10645 na nagsusulong ng mandatory PhilHealth membership para sa mga senior citizen; Republic Act No. 9850 na nagdedeklara sa Arnis bilang Pambansang Isport ng Pilipinas; Republic Act No. 11765 o Financial Products and Services Consumer Protection Act; Republic Act No. 11650 na naglalayong isulong ang inclusive education para sa mga batang may kapansanan; at Republic Act No. 11576 na nag-aamyenda sa Judiciary Reorganization Act (BP 129).