Inanunsyo ng FIFA (ang world governing body ng football) na ang Pilipinas ang napiling host ng kauna-unahang FIFA Futsal Women’s World Cup, na gaganapin mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 7, 2025. Ang anunsyo ay direktang ipinahayag ni FIFA President Gianni Infantino mula sa FIFA Headquarters sa Zurich, Switzerland, noong Oktubre 7, 2024.
Dahil dito, sinimulan na ng bansa ang masigasig na paghahanda para sa prestihiyosong event. Ilang mga opisyal ng Philippine Football Federation (PFF) at organizing committee ang naimbitahan upang mag-obserba sa katatapos na FIFA Futsal World Cup 2024, na ginanap sa Uzbekistan noong Setyembre 14 hanggang Oktubre 6, 2024. Isa itong hakbang na isinasagawa ng FIFA para sa mga bansang magho-host ng malalaking football events. Brazil ang nagwagi sa 2024 edition ng FIFA Futsal World Cup.
Kasama sa mga ipinadala ng Pilipinas sa Uzbekistan upang mag-obserba sina Angelico Mercader, Secretary General ng Philippine Football Federation; Aurelio San Agustin, Local Organizing Committee Director ng FIFA Futsal Women’s World Cup 2025; Kevin Goco, PFF Assistant General Secretary; Arne Reodique, Head of Marketing; at Ritchie Gabanan, Head of Competitions.
Ang tournament ay lalahukan ng 16 pinakamahusay na futsal teams mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang mga alokasyon ng mga puwesto bawat konfederasyon ay sumusunod: 3 teams mula sa Asian Football Confederation (AFC), 2 teams mula sa Confederation of African Football (CAF), 2 teams mula sa North Central America and Caribbean Association Football (CONCACAF), 3 teams mula sa South American Football Confederation (CONMEBOL), 1 team mula sa Oceania Football Confederation (OFC), 4 teams mula sa Union of European Football Associations (UEFA), at 1 spot para sa host country, Pilipinas.
Sa ngayon, Pilipinas at New Zealand ang unang dalawang teams na kwalipikado na sa torneo, bilang host nation at Oceania qualifier. Samantala, patuloy nang ginaganap ang qualifying tournaments sa iba’t ibang rehiyon.
Ang mga tinitingnang posibleng venue para sa mga laban ay ang Ninoy Aquino Stadium at Philsports Arena.
Samantala, inihayag ng Philippine Football Federation (PFF) na ilan sa mga miyembro ng Philippine Malditas na naglaro sa Women’s Football World Cup 2023 ay nagpahayag ng interes na sumali sa Futsal National Team. Gayunpaman, walang eksaktong pangalan ang inilabas ng PFF tungkol sa kung sino-sino ang mga ito.