Magkasabay na magbubukas ang bagong season ng dalawang pinaka-matandang college sports organizations sa bansa sa September 7, 2024.
Ang Universities Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA) ay magkakaroon ng opening ceremonies sa magkaibang lugar: ang UAAP sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City, at ang NCAA sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang UAAP ay magbubukas ng kanilang ika-87 na season na may temang “Stronger, Better, Together,” kung saan ang host school ay ang UP Fighting Maroons. Kasama ng UP ang iba pang mga universities sa Pilipinas tulad ng Adamson University Falcons, Ateneo Blue Eagles, University of Santo Tomas Growling Tigers, De La Salle University Green Archers, National University Bulldogs, University of the East Red Warriors, at Far Eastern University Tamaraws. Ang Eraserheads ang magiging guest performer ng UAAP.
Samantala, ang NCAA naman ay magbubukas ng kanilang ika-100 na season na may temang “Siglo Uno: Inspiring Legacies,” at ang Lyceum of the Philippines University Pirates ang magiging host. Kasama ng LPU Pirates ang Arellano University Chiefs, Colegio de San Juan de Letran Knights, De La Salle – College of Saint Benilde Blazers, Emilio Aguinaldo College Generals, Jose Rizal University Heavy Bombers, Mapua University Cardinals, San Beda University Red Lions, San Sebastian College – Recoletos Stags, at University of Perpetual Help System Dalta. Ang G22 ang magiging guest performer ng NCAA.
Ang pangunahing atraksyon ng parehong UAAP at NCAA ay ang kanilang basketball tournaments, kung saan inaasahan ang mga bagong recruits at imports. Noong nakaraang season, ang De La Salle University Green Archers ang nagkampeon sa UAAP men’s basketball, habang ang San Beda University Red Lions naman ang nanalo sa NCAA. Bukod sa basketball, ang iba pang sports na lalaruin sa parehong liga ay kinabibilangan ng Volleyball, Badminton, Chess, Taekwondo, Swimming, Beach Volleyball, Table Tennis, Football, Lawn Tennis, Soft Tennis, 3×3 Basketball, Athletics, Judo, Fencing, Baseball, Softball, Cheer Dance Competition, Poomsae, Esports, Street Dance, at Ballroom.
Ilan sa mga Romblomanon na maglalaro para sa kanilang mga respective schools ay sina Cedric Manzano ng Adamson Falcons sa basketball mula sa Danao, Cajidiocan, Romblon; Eldrin Madrid ng UE Red Warriors sa football mula sa Romblon, Romblon; Dave Mart Rico ng NU Bulldogs sa athletics mula sa Cambajao, Cajidiocan, Romblon; at Jennelyn Relox ng UE Red Warriors sa athletics mula sa Danao, Cajidiocan, Romblon. Nariyan din ang Faeldonia brothers mula sa Odiongan, Romblon sa larangan ng chess. Si Jasper Faeldonia ay maglalaro para sa De La Salle – College of Saint Benilde, habang ang kanyang kapatid na si Jerick Faeldonia ay maglalaro para sa Arellano University Chiefs. Si Jasper ay isang National Master (NM) at Arena International Master (AIM), habang si Jerick ay Arena International Master. Kasama rin sa listahan ang isa pang Odiongan native na si Jaymiel Piel, candidate para sa FIDE Master, na maglalaro para sa LPU Pirates.
Ang mga laro ng UAAP ay mapapanood sa UAAP Varsity Channel at One Sports, samantalang ang mga laro ng NCAA ay mapapanood sa GMA 7 at GTV.
Discussion about this post