Matapos matagumpay na maidepensa ni Naoya Inoue ang kanyang Undisputed Super Bantamweight Championship laban kay TJ Doheny noong September 3 sa Ariake Arena, Japan, agad na inanunsyo ng Top Rank boss na si Bob Arum ang susunod na makakalaban ng Japanese champion.
Ito ay ang undefeated Australian fighter at No. 1 super bantamweight mandatory challenger na si Sam Goodman. Ang posibleng laban ng dalawa ay gaganapin sa Tokyo, na may tentative schedule sa December 24, 2024, Christmas Eve.
Si Sam “The Ghost” Goodman, 25 taong gulang, ay may perfect professional record na 19-0, na may 8 KO’s. Nagsimula siyang magwagi ng Australian Featherweight Title noong 2021 laban kay Nort Beauchamp. Sunod niyang tinalo ang Filipino fighter na si Richie Mepranum para sa vacant WBO Oriental Super Bantamweight Title. Kasunod nito, nilabanan niya si Fumiya Fuse ng Japan, kung saan kasama ng WBO title ay napagwagian din niya ang IBF Inter-Continental Super Bantamweight Title via unanimous decision. Ang unang title defense ni Goodman ay laban sa isa pang Filipino fighter, si Juan Miguel Elorde, na kanyang tinalo via TKO. Pagkatapos ng laban kay Elorde, matagumpay niyang nadepensahan ang titulo ng dalawang beses, kasama na rito ang laban kay TJ Doheny. Ang pinakahuling laban ni Goodman ay laban sa undefeated fighter ng Thailand, si Chainoi Worawut.
Nauna nang nai-set ang laban ni Inoue at Goodman, ngunit dahil sa injury ni Goodman, ipinagpaliban ito, at napilitan silang harapin ang ibang kalaban. Ngayon, muling inaasahan ang kanilang paghaharap ngayong taon.
Samantala, kung sakaling matagumpay na madepensahan ni Inoue ang kanyang undisputed title laban kay Goodman, sinabi ni Arum na posibleng isunod na laban ni Inoue ay laban sa isa pang undefeated Japanese champion, si Junto Nakatani. Posible ring ang laban na ito ay ganapin sa Las Vegas. Isa pang option para kay Inoue ay ang umakyat sa Featherweight Division, kung saan naghihintay ang mga high-caliber fighters tulad nina Bruce Carrington, Rafael Espinoza, Angelo Leo, at Nick Ball.
Sa kasalukuyan, si Naoya Inoue ay may record na 28 wins, 0 losses, at 25 KO’s.