Inanunsyo ng Malacañang ang malawakang suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at klase sa iba’t ibang rehiyon sa bansa bilang paghahanda sa inaasahang matinding epekto ng Super Typhoon Uwan.
Batay sa Memorandum Circular No. 106 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinuspinde ang trabaho sa lahat ng government offices sa NCR, CAR, at Regions I, II, III, IV-A, IV-B (MIMAROPA), V at VIII sa Lunes, Nobyembre 10, 2025.
Kasama rito ang buong lalawigan ng Romblon, na nasa ilalim din ng Signal No. 2 dahil sa papalapit na super typhoon.
Samantala, walang pasok sa lahat ng antas sa mga nabanggit na rehiyon, kabilang ang Regions VI, VII, at Negros Island Region, sa Nobyembre 10 at 11.
Ayon sa Malacañang, ito ay alinsunod sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bunsod ng forecast na malaking pinsala at panganib na maaaring idulot ni Uwan habang papalapit sa Northern at Central Luzon.
Nilinaw ng MC 106 na ang mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa basic services, disaster response, seguridad at kalusugan ay mananatiling bukas upang tiyakin ang tuluy-tuloy na paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Pinayagan din ang iba pang ahensya na magpatupad ng alternative work arrangements kung kinakailangan.
Para naman sa mga pribadong kumpanya, ibinibigay ng Malacañang sa mga pinuno ng kanilang tanggapan ang desisyon kung magsususpinde ng trabaho.
Pinahintulutan naman ang mga lokal na pamahalaan sa ibang rehiyon na magpatupad ng localized cancellation ng pasok at trabaho batay sa kanilang sitwasyon.




































Discussion about this post