Umabot na sa 4,737 mahihirap, near-poor at low-income households sa Romblon ang nakatanggap ng tig-₱2,000 cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng UPLIFT Assistance Program.
Ito ang ikalawang batch ng mga benepisyaryong nakatanggap ng ayuda na bahagi ng programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang makatulong sa mga pamilyang nangangailangan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng UPLIFT, ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ay tatanggap ng ₱2,000 kada buwan sa loob ng anim na buwan, o kabuuang ₱12,000 bawat benepisyaryo.
Nauna nang nakatanggap ng unang tranche ang 10,593 benepisyaryo sa buong lalawigan, na nagsimula ang payout noong Hulyo.
Sa ikalawang batch, 4,737 benepisyaryo naman ang target na mabigyan, kaya aabot sa 15,330 Romblomanon ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryong nasaklaw ng dalawang batch.
Ayon sa DSWD Romblon, nagpapatuloy ang payout sa mga natitirang benepisyaryo sa lalawigan. Sa kasalukuyan, Concepcion, Banton at Corcuera na lamang ang mga bayan na hindi pa nakapagsagawa ng payout para sa ikalawang batch.
Ang UPLIFT ay isang social protection initiative na naglalayong magbigay ng pansamantalang financial assistance sa mga pamilyang mahihirap, near-poor at low-income upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.



































Discussion about this post