Nilinaw ng Office of Civil Defense (OCD)–MIMAROPA na magkaiba ang lakas at epekto ng Typhoon Tino at Super Typhoon Yolanda (Haiyan), sa gitna ng mga kumakalat na post sa social media na inihahambing ang dalawang bagyo.
Ayon kay Marc Rembrandt Victore, Officer-in-Charge ng OCD MIMAROPA, ang pagkakatulad ng dalawang bagyo ay nasa forecast track lamang, ngunit malayo ang agwat ng kanilang lakas at posibleng pinsala.
Ang paglilinaw ay kasunod ng pagdami ng mga post online na inihahambing si Tino kay Yolanda, na noong 2013 ay tumama sa Visayas at ilang bahagi ng MIMAROPA taglay ang sustained winds na 235 km/h, na nagdulot ng malawakang pinsala.
Batay sa 5:00 p.m. update ng PAGASA, huling namataan ang sentro ni Tino sa layong 150 kilometro malapit sa Guiuan, Eastern Samar, taglay ang lakas ng hangin na 130 km/h at bugso na 160 km/h, habang kumikilos pa-kanluran timog-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Hinimok ni Victore ang publiko na maging maingat sa impormasyon at sumangguni lamang sa mga opisyal na ahensya tulad ng PAGASA, OCD, at lokal na pamahalaan para sa tamang updates.
Dagdag pa ni Victore, nananatiling alerto at nakahanda ang mga lokal na tanggapan ng OCD at mga Disaster Risk Reduction and Management Offices sa buong rehiyon upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente lalo na sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng malakas na ulan at hangin.




































Discussion about this post