Dalawang lalaki ang inaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) matapos umanong manakit ng isang lalaki sa labas ng kainan sa Odiongan Food Court. Naganap ang insidente kaninang madaling araw, August 16.
Sa ulat ng Odiongan MPS, kumakain umano ang biktima at ang kanyang kasama habang nasa kabilang mesa naman ang dalawang suspek na pinaniniwalaang nakainom. Ayon sa paunang imbestigasyon, matapos umalis sa establisimyento ang biktima at kanyang kasama, sinundan umano sila ng dalawang suspek sa labas.
Wala umanong malinaw na dahilan, paulit-ulit na sinuntok ng mga suspek ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa matumba ito sa kalsada.
Agad namang napigilan ang pananakit matapos mamagitan ang mga kasama ng biktima at mga rumespondeng pulis.
Matapos matukoy ang umano’y pagkakasangkot ng dalawang lalaki sa insidente, agad silang inaresto at dinala sa presinto para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong Physical Injuries laban sa dalawang suspek para sa pagsasampa sa korte.



































Discussion about this post