Nagtataas ng Code White Alert ang Department of Health (DOH) MIMAROPA Center for Health Development bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong “Tino” (Kalmaegi) sa rehiyon.
Ayon sa inilabas na memorandum ni Director IV Dr. Rodolfo Antonio M. Albornoz, epektibo ang naturang alert status simula Nobyembre 2, 2025, upang matiyak ang kahandaan ng mga ospital at health facilities sa mga maaaring maging insidente dulot ng sama ng panahon.
Sa ilalim ng Code White Alert, nakahanda ang lahat ng medical at psychosocial support services sa buong MIMAROPA, kabilang ang mga ospital, rural health units, at local health offices, upang agad makaresponde sa mga emerhensiya. Inatasan din ang mga health leaders at personnel na manatiling alerto at agad mag-ulat ng anumang insidente sa Health Emergency Management Staff (HEMS) Operations Center ng DOH.
Ayon kay Dr. Albornoz, ang alert status ay mananatiling epektibo hanggang sa maglabas ng bagong abiso ang ahensya. Inatasan din niya ang lahat ng CHD program managers na aktibong makipag-ugnayan sa kanilang mga counterpart sa mga probinsya para sa koordinasyon sa health, nutrition, water sanitation and hygiene, at mental health clusters.
Patuloy ang paalala ng DOH sa publiko na maging maingat, iwasan ang paglalakbay sa mga binabahang lugar, at agad humingi ng tulong sa mga lokal na health authorities kung kinakailangan.




































Discussion about this post