Pinaigting ng Department of Education (DepEd) MIMAROPA ang mga hakbangin laban sa dengue sa pamamagitan ng lingguhang clean-up drives, promosyon ng 5S strategy, at pagpapalaganap ng personal na proteksyon laban sa kagat ng lamok.
Ayon kay DepEd MIMAROPA Medical Officer Maria Anna Irene San, bilang bahagi ng Dengue Prevention and Control Program ng rehiyon, inaatasan na ang lahat ng paaralan na magsagawa ng lingguhang paglilinis upang matanggal ang mga posibleng pamugaran ng lamok. Nakasaad ito sa isang DepEd Regional Advisory na ipinadala sa lahat ng paaralan sa rehiyon.
“Through regular clean-up drives, we can remove stagnant water and properly cover water containers where mosquitoes breed,” paliwanag ni San.
Kabilang sa isinusulong na 5S strategy ng Department of Health (DOH) ang Search and destroy ng mosquito breeding sites, Self-protection measures gaya ng paggamit ng insect repellant, Seek early consultation sa mga health facility, Support fogging, spraying, at misting sa hotspot areas, at Sustain hydration para sa symptom management.
Sa ilalim ng “Self-protection measures,” hinikayat ni San ang mga mag-aaral na magsuot ng long-sleeved shirts, pantalon, at medyas bilang dagdag na proteksyon laban sa kagat ng lamok.
Hinimok ng DepEd MIMAROPA ang lahat ng paaralan na ganap na ipatupad ang mga hakbang na ito upang makontrol ang pagtaas ng kaso ng dengue, lalo na ngayong tag-ulan.
Samantala, nanawagan ang health authorities sa Oriental Mindoro sa publiko na manatiling mapagmatyag laban sa mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan, kabilang ang dengue. Bagama’t may naitalang pagbaba ng mga kaso mula Enero hanggang kalagitnaan ng Hunyo ngayong taon kumpara noong nakaraang taon, iginiit ng Provincial Health Office (PHO) na hindi dapat maging kampante ang lahat.
Bilang paghahanda sa tag-ulan, pinaigting ng PHO ang kampanya laban sa dengue, at nagpalabas ng abiso sa pamamagitan ng DepEd na hikayatin ang mga mag-aaral na magsuot ng proteksiyon, tulad ng mahabang medyas, at gumamit ng mosquito repellents.
Sa pambansang antas, pinangunahan ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa ang kampanyang “Alas Kwatro Kontra Mosquito” sa Antipolo National High School kung saan isinagawa ang Taob, Taktak, Tuyo, at Takip (Flip, Shake, Dry, and Cover) upang tuluyang mapuksa ang mga pamugaran ng lamok.
“Kailangang magtuloy-tuloy ang nasimulan natin sa dengue prevention. Kailangang gawin ang Taob, Taktak, Tuyo, Takip mula sa mga bahay hanggang barangay at pati sa mga eskwelahan dahil ang lamok ay lumilipat ng tirahan,” sabi ni Herbosa. “Madalas nakikita natin ang pagtaas ng kaso ng dengue kapag maulan. We have to prevent this by intensifying vector control.” (LTC/JBG PIA MIMAROPA/Photo from DepEd Calapan)
Discussion about this post