Pinaigting ng pamahalaan ang mga hakbang upang itaguyod ang digital innovation at inklusibong pag-unlad sa mga lalawigang pulo ng MIMAROPA, sa pamamagitan ng isinusulong na pagtatayo ng mga smart city at smart village sa rehiyon.
Sa isinagawang 2nd Quarter Full Council meeting ng Regional Development Council (RDC) MIMAROPA noong Hunyo 11 sa Pasay City, iminungkahi ni Calapan City Mayor Marilou Morillo, na siya ring chairperson ng Development Administration Committee (DAC) ng RDC, na pormal nang itaguyod ang pagbuo ng smart cities at smart villages sa limang isla na bumubuo sa rehiyon.
“Sa isang rehiyon na hinahati ng heograpiya at kakulangan sa mga yaman, ang mga smart na solusyon ang maaaring magbigay-daan para lampasan natin ang mga tradisyunal na hadlang sa kaunlaran,” ani Morillo sa kanyang talumpati.
Ang panukala ay kasunod ng kahalintulad na inisyatiba sa kalapit na rehiyon ng CALABARZON, kung saan pinagtibay ng RDC ang Resolution No. IV-A-75-2024 noong Disyembre 2024 upang suportahan ang pagtatayo ng mga smart city sa kanilang lugar.
Ngayon, lumalawak na ang suporta para sa kaparehong inisyatiba sa MIMAROPA, lalo na’t umaasa ang mga lokal na pinuno na maiaangkop ang mga makabagong solusyon sa natatanging konteksto ng mga isla.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan. Ayon kay Emmy Lou Delfin, Regional Director ng Department of Information and Communications Technology (DICT) MIMAROPA, handang tumulong ang kanilang ahensya para maisakatuparan ang proyekto.
“Handa ang DICT na suportahan ang kilusang smart city at village sa MIMAROPA. Sa tulong ng mga ahensya gaya ng Department of Health (DOH) at TESDA, layon naming mabigyan ng pantay na oportunidad ang mga liblib na komunidad sa pamamagitan ng teknolohiyang makatao,” pahayag ni Delfin.
Ang proyektong ito ay nakaangkla sa MIMAROPA Regional Development Plan (RDP) 2023–2028, na may layuning gawing “mas matatag, mas inklusibo, at mas resilient” ang rehiyon. Kabilang sa mga pangunahing haligi ng plano ang innovation-driven governance, digital transformation, at sustainable infrastructure, na nakikitang susi sa pag-angat ng kabuhayan ng mga pamayanang rural at isla. (AS/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)