Inaasahang ipatutupad ng Department of Health (DOH) ang Gender-Responsive Health Systems Approach to Universal Health Care o GRASP-UHC project sa Pilipinas hanggang taong 2029 upang mapalakas ang pamamahala at paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan sa bansa.
May pondong ₱305 milyon mula sa Pamahalaan ng Canada, pamumunuan ng DOH ang proyekto sa mga lalawigang madalas tamaan ng kalamidad at mga lugar na malalayong marating, kabilang ang Occidental Mindoro, Aklan, Eastern Samar, at Ifugao.
Layunin ng inisyatibong ito na paigtingin ang pamamahala at paghahatid ng lokal na sistemang pangkalusugan sa pamamagitan ng pagsasama ng mga gender-responsive na pamamaraan at pagtataguyod ng inklusibong akses sa serbisyong medikal—isang hakbang na sumusuporta sa Philippine Development Plan (PDP) 2023–2028.
Ang proyekto ay inaasahang magtatagal hanggang Marso 31, 2029 at makikinabang dito ang tinatayang 584,000 katao, kabilang ang 368,000 kababaihan at kabataang babae.
Sa isinagawang 2nd Quarter Regional Development Council (RDC) MIMAROPA meeting sa Pasay City noong Hunyo 11, sinabi ni Bongabong Mayor Elegio A. Malaluan, na siya ring tagapangulo ng Social Development Committee ng RDC MIMAROPA, na ang proyekto ay hindi lamang isang inisyatibo sa kalusugan kundi isang pangakong magtatayo ng makatarungan at matatag na mga komunidad sa Occidental Mindoro.
“Ang GRASP-UHC ay konkretong hakbang upang punan ang kakulangan sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mga lugar na malalayong marating at hindi gaanong nabibigyan ng pansin sa Occidental Mindoro,” ani Malaluan.
Nauna nang ipinrisinta ng DOH MIMAROPA ang mga pangunahing bahagi ng proyekto para sa rehiyon sa pulong ng Social Development Committee ng RDC noong Mayo 9 sa Malate, Maynila. Inendorso ng komite ang MIMAROPA component ng proyekto at inirekomenda ang pormal na pag-apruba nito ng buong konseho.
Binigyang-diin ni Malaluan na nakaangkla ang proyekto sa MIMAROPA Regional Development Plan 2023–2028, partikular sa pagpapalawak ng akses sa pangunahing serbisyong medikal, integrasyon ng mga programang pangkalusugan na sensitibo sa kasarian, at pagpapabuti ng mga mekanismo ng pagpopondo sa kalusugan.
Malaki ang magiging benepisyo ng Occidental Mindoro mula sa proyekto, lalo na’t isa sa mga prayoridad ng Provincial Development and Physical Framework Plan (PDPFP) ng lalawigan ay ang pagpapabuti ng lokal na imprastrukturang pangkalusugan at kalidad ng serbisyong medikal.
Ang GRASP-UHC ay nakatutugon din sa mga layunin ng pandaigdigang pag-unlad sa ilalim ng Sustainable Development Goals (SDGs), partikular ang SDG 3: Kalusugan at Kapanatagan, SDG 5: Pagkakapantay-pantay ng Kasarian, at SDG 10: Pagbawas ng Hindi Pagkakapantay-pantay.