Inendorso ng MIMAROPA Regional Development Council (RDC) sa Maritime Industry Authority (MARINA) ang panukalang pagbubukas ng mga bagong Roll-on Roll-off (RoRo) ferry routes mula Calapan Port sa Oriental Mindoro patungong Marinduque, Romblon, at Palawan.
Isinulong ang panukala sa ginanap na 2nd Quarter Full Council Meeting ng RDC nitong Hunyo 11, bilang hakbang para mapalakas ang konektividad ng mga isla sa ilalim ng Strong Republic Nautical Highway (SRNH) at pasiglahin ang turismo, kalakalan at ekonomiya ng rehiyon.
Ayon kay Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., mahalaga ang mga bagong ruta upang makinabang ang buong rehiyon. Sinang-ayunan ito ng Department of Tourism MIMAROPA na naniniwalang makatutulong ito sa pag-angat ng turismo, lalo na sa mga lugar na naapektuhan ng pagsasara ng ilang paliparan.
Kasalukuyang limitado sa Batangas ang biyahe ng Calapan Port. Kapag naipatupad ang panukala, inaasahang lalawak ang koneksyon nito sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon.
Suportado rin ng Department of Transportation (DOTr) ang hakbang, at naniniwala ang mga opisyal na magdadala ito ng mas maayos na daloy ng produkto, serbisyo, at paglalakbay sa MIMAROPA.