Pitong Persons Deprived of Liberty (PDL) na kasalukuyang nakapiit sa Romblon District Jail ang matagumpay na nakapagtapos kamakailan sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd).
Pinangunahan ni Acting District Jail Warden Jail Inspector Fatima Rabino ang isang simpleng seremonya ng pagtatapos kung saan kinilala ang kasipagan at determinasyon ng mga nagsipagtapos sa kabila ng kanilang kasalukuyang kalagayan. Pinuri rin ang kanilang pagsusumikap na pagsabayin ang edukasyon at personal na pagbabago.
Ayon sa ulat nitong Biyernes, layunin ng ALS na bigyan ng pagkakataon ang mga non-traditional learners, kabilang ang mga PDL, na makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral sa mas accessible na paraan. Nakipagtulungan ang DepEd ALS sa administrasyon ng kulungan upang mabigyan ng kaalaman at kasanayan ang mga bilanggo bilang paghahanda sa kanilang pagbabalik sa lipunan.
“Bago ako makulong, wala akong pagkakataon na makapagtapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan. Ngayon, maipagmamalaki kong nasundan ko ang aking edukasyon at handa na akong baguhin ang aking buhay,” pahayag ng isa sa mga PDL na nagtapos sa ALS.
Sa isang press release, sinabi ni BJMP MIMAROPA Information Officer Jail Officer 3 Joefrie Anglo na ang inisyatibo ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng BJMP MIMAROPA na paunlarin ang edukasyonal at bokasyonal na kakayahan ng mga PDL sa rehiyon.
“Nais naming maging inspirasyon ito sa iba pang PDL na patuloy na mangarap at magsumikap sa kabila ng kanilang mga pagsubok,” pahayag nito.