Nanawagan si Senator Manuel “Lito” Lapid ng agarang hustisya para sa Chinese-Filipino tycoon na si Anson Que at sa kaniyang driver na parehong biktima ng kidnapping at pagpatay.
Sa isang opisyal na pahayag nitong linggo, hinimok ng senador ang Philippine National Police (PNP) na gawin ang lahat upang mahuli ang mga responsable at muling maibalik ang tiwala ng publiko sa kapulisan at sa sistema ng hustisya sa bansa.
“Hustisya para sa mga biktima ng kidnapping at pagpatay—ito ang panawagan po natin sa ating Philippine National Police,” ayon kay Lapid, kasabay ng pagbibigay-diin na ang kaso ay hindi dapat ituring na isang maliit na insidente.
Binanggit ni Lapid na ang magiging tugon ng PNP sa kaso ay magiging sukatan ng tunay na kalagayan ng peace and order sa bansa. Aniya, dapat patunayan ng kapulisan na kaya nilang protektahan ang mamamayan at papanagutin ang mga may sala.
Hinimok din ni Lapid ang PNP na ipakita ang parehong kasigasigan—o higit pa—gaya ng kanilang pagtugis sa mga personalidad gaya nina Apollo Quiboloy at Bamban Mayor Alice Guo.
“Tinatawagan ko ang ating kapulisan na magpakita ng pareho o higit pang alab sa pagtugis sa mga salarin sa kasong ito,” aniya.
Binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng mabilis at matibay na aksyon ng mga awtoridad lalo pa’t patuloy ang tensyon sa pulitika, operasyon kontra ilegal na pasugalan at POGO, at iba pang global conflicts na posibleng samantalahin ng mga kriminal.
Ayon pa sa kanya, sa bawat kasong hindi nareresolba ay humihina ang tiwala ng publiko sa batas at lumalakas ang loob ng mga kriminal.
“Para po sa pamilya ni Anson Que at sa kaniyang tauhan na pinaslang, tinatawagan ko po si PNP Chief Rommel Marbil upang gawin ang lahat ng ating makakaya upang iharap sa hustisya ang mga maysala,” aniya.
Ipinahayag din ni Lapid ang kahandaan ng Senado na magbigay ng lahat ng kinakailangang suporta upang magampanan ng PNP ang mandato nito.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang senador sa pamilyang naiwan ng mga biktima.
Ang kaso nina Que at ng kaniyang driver ay kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Discussion about this post