Nagpatupad ng panibagong bawas-pasahe ang Montenegro Shipping Lines sa rutang Batangas-Odiongan at Odiongan-Batangas simula nitong June 22, 2026, kasunod ng patuloy na pagbaba ng presyo ng diesel sa bansa.
Batay sa inilabas na updated fare matrix ng shipping company, ang regular economy fare sa naturang ruta ay nasa ₱1,428 habang ₱1,856 naman para sa air-conditioned accommodation.
Ang pamasahe para sa mga estudyante ay itinakda sa ₱1,142 para sa economy at ₱1,485 para sa air-conditioned accommodation. Samantala, ang senior citizens at persons with disabilities (PWDs) ay magbabayad ng ₱1,020 para sa economy at ₱1,326 para sa air-conditioned accommodation.
Nasa ₱714 naman ang economy fare at ₱928 ang air-conditioned fare para sa mga kwalipikado sa half fare category.
Bukod sa rutang Batangas-Odiongan, kabilang din sa mga binabaan ng pamasahe ang mga biyahe ng Montenegro Shipping Lines mula Lucena patungong iba't ibang destinasyon sa Romblon at pabalik, gayundin ang rutang Roxas, Oriental Mindoro patungong Odiongan at vice versa.
Matatandaang ilang beses na ring nagpatupad ng pagbabago sa passenger fare rates ang mga shipping company nitong mga nakalipas na buwan bunsod ng paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.



































Discussion about this post