Pinagmulta ng Protected Area Superintendent ng Mt. Guiting-Guiting Natural Park ang isang Russian national matapos itong mahuling umakyat sa bundok nang walang kaukulang permit.
Kinumpirma ng San Fernando Municipal Police Station ang insidente, ngunit ayon sa kanila, walang pormal na reklamong isinampa laban sa nasabing foreign national maliban sa multang ipinataw para sa kanyang paglabag.
Ayon kay Protected Area Superintendent Joybert Mijares, ang nasabing dayuhan ay nagpaalam lamang sa kanilang bibisita sa ilang waterfalls at ilog sa paanan ng bundok. Gayunpaman, laking gulat ng ilang guides at porters nang makita nila itong sumusunod sa isang grupo ng mga mountaineers na may kaukulang permits.
Binalaan ng mga lokal na guides ang dayuhan tungkol sa regulasyon ng Mt. Guiting-Guiting, ngunit iginiit nito na sa kanilang bansa ay hindi kinakailangan ang permit para umakyat sa isang bundok. Dahil dito, agad siyang isinumbong sa mga awtoridad, na kalaunan ay nagpataw ng multa para sa kanyang paglabag sa mga ordinansa at patakaran ng natural park.
Isang libong piso ang multa sa nasabing dayuhan na agad naman umano niyang binayaran.
Nagpaalala si Mijares na mahigpit nilang binabantayan ang protektadong lugar na ito bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa pangangalaga ng kalikasan.
“Ako ay nanawagan sa mga mountain climers lalo na dito sa Mt. Guiting-Guiting na kumuha ng permit mula sa kinauukulat bago umakyat ng bundok. Ito ay para naman sa kanila dahil may mga do’s and don’ts kami jan at paano kung may mangyari sa kanila sa taas tapos hindi namin alam,” pahayag ni Mijares nang makausap ng Romblon News Network.
Hinimok ni Mijares ang publiko, lalo na ang mga bisitang mountaineers, na sumunod sa mga alituntunin upang mapanatili ang kaligtasan at integridad ng parke.
Discussion about this post